Dami pang backlog ang LTO sa plaka?
hataw tabloid
April 16, 2015
Opinion
TULOY pa rin ang kampanya ng Land Transportation Office (LTO) laban sa mga sasakyang wala pang plaka partikular na sa mga bago o tatlong buwan nang nagagamit simula nang ilabas ito sa casa.
Bago sinimulan ang kampanya nitong Abril 1, 2015, nagsabi na sa publiko ng pamunuan ng LTO (one or two weeks before para simulan ang kampanya) na kanilang huhulihin ang mga walang plaka.
Sabi ng LTO, wala nang dahilan pa ang mga car owner para hindi magkaroon ng plaka ang kanilang sasakyan dahil wala na raw backlog ang LTO sa paggawa ng plaka. Meaning, lahat na ng mga sasakyang bago na matagal-tagal na ring nagamit (3 buwan nang nagamit simula nang bilhin) ay may mga plaka na.
Ang itinuturo ng LTO na may pagkukulang ay mga car dealer – hinahayaan lamang daw nila ang mga plaka sa LTO o hindi nila kinukuha.
Kaya noong Abril 1, unang araw ng kampanya, maraming car owners ang “nabiktima” ng directive. Huli silang lahat at kung hindi ako nagkakamali ay aabot sa P5,000 ang multa ng bawat sasakyang inimpound.
Pero totoo nga bang wala nang backlog para sa plaka ang LTO? Ewan ko ha. Tanging masasabi ko, may kaunting kasinungalingan ito partikular na kung ang pag-uusapan natin ay patungkol sa plaka ng mga nag-renew ng rehistro ng sasakyan nitong Enero, Pebrero at Marso.
Nang mag-renew, nagbayad ang mga car owner ng P450 para sa bagong plaka – papalitan na raw ‘yung lumang plaka (kulay green) sa bagong plaka (kulay itim). At sa loob ng 45 araw ay makukuha na ang bagong plaka.
Anyway, isa nga raw itong kasinungalingan. Sumbong sa atin ng mga nagparehistro nitong ikalawang linggo ng Enero. Siyempre, kung wala pa iyong plaka para sa ikalawang linggo ng Enero, malamang na wala pa rin ‘yung para sa buwan ng Pebrero.
Ngunit, in fairness sa LTO. Nakuha ko na ang bagong plaka ko – unang linggo ng Enero nang mag-renew ako. Lamang, kasinungalingan nga ang 45-araw dahil umabot din ng dalawang buwan bago ko nakuha ang plaka.
Kaya totoo nga bang wala nang backlog ang LTO para sa plaka ng mga sasakyan?
Nang una nating talakayin ang hinggil sa plaka nitong nakalipas ng linggo, samo’t saring reaksyon/komento at reklamo ang natanggap natin laban sa LTO.
Isa lang punto nila – isang kasinungalingan daw na walang backlog o pagkukulang ang LTO.
Tulad ng reklamong laban sa LTO Merville. Hanggang ngayon daw ay wala pa rin plaka ng mga nagpa-renew ng kanilang rehistro rito. Noong nakaraang taon pa nga raw ay marami sa mga nagparehistro ng sasakyan sa naturang sangay ang hindi nakakuha ng kanilang sticker samantalang bayad ito. Natapos na lamang daw ang 2014 ay hindi nila nakuha ang kanilang sticker.
Hinggil dito, sang-ayon tayo sa reklamo…oo totoo ang sumbong lalo na sa sticker na iyan. Maging ang inyong lingkod ay biktima. Natapos ang 2014, tumakbo ang aking sasakyan na walang sticker. Ang tanong diyan ay kanino napunta ang pondong nakolekta sa milyong car owners na hindi nakakuha ng sticker? May pinagawa nga bang sticker?
Heto pa ang isang reklamo o text mula Sorsogon. Kahambugan daw ang ipinagyayabang ng LTO na wala silang backlog sa plaka samantala sa lalawigan, dami pang walang plakang sasakyan samantala bayad na ang para sa bagong plaka pero hanggang ngayon ay wala pa rin. Maging para sa mga bagong sasakyan.
Pebrero 2015 pa raw sila nakapag-renew pero wala pa rin plaka.