Dagdag-pondo sa LGUs sinopla ni PNoy
hataw tabloid
April 16, 2015
News
SINOPLA ni Pangulong Benigno Aquino III ang hirit ng mga mayor na sertipikahan bilang urgent ang panukalang batas na magtataas ng share ng lokal na pamahalaan sa nakolektang buwis ng national government.
Ang “Bigger Pie, Bigger Slice” bill ay may layunin na dagdagan ang shares ng local government units (LGUs) sa national taxes mula sa 40% ay gawing 50% .
Sa ginanap na taunang general assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) kahapon, sinabi ni Pangulong Aquino na tumaas ang parte ng LGUS kahit wala pa ang panukalang batas.
“Noong 2010, ang share po sa IRA ay P265.8 billion. Ito pong 2015, ang tinataya po ay P389.86 billion, puwera pa ho ‘yung Performance Challenge Fund at saka ‘yung Bottom Up Budgeting na atin pong pinag-usapan. Bago pa ho naparating itong sinasabi ninyong lakihan ang slice, mukha hong lumaki na iyong slice maski na hindi pa natin ini-slice ulit ‘yung pie,” aniya.
Sabi pa niya, kahit gusto niyang dagdagan ang parte ng LGUs na nagpapakitang-gilas ay nag-iingat din siya na taasan ang pondo ng mga nagdudulot nang maraming problema sa kanya.
Ngunit tiniyak ng Pangulo na sakaling may mga problemang hindi kaya ng LGUs ay laging nakahanda ang national government na umayuda sa kanila.
Bago nagtalumpati ang Pangulo ay hiniling ni LMP President Mayor Leonardo Javier Jr. sa kanyang talumpati na sertipikahan ng Punong Ehekutibo ang “Bigger Pie, Bigger Slice” bill bilang urgent kahit pa manikluhod siya.
Rose Novenario
Hikayat sa mayors: Tuwid na daan suportahan
HINIKAYAT ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga mayor na suportahan ang papalit sa kanya na magtutuloy ng kanyang “tuwid na daan”.
Sa ginanap na taunang general assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP), sinabi ng Pangulo sa harap ng 1,500 alkalde, hinikayat niya ang mga mayor na tumulong na magpatuloy ang mga repormang isinasagawa ng kanyang administrasyon at mag-ingat sa mga nais magbalik sa baluktot na daan.
“Inaasahan ko po ang tulong ng ating mga kasamahan sa local government units, upang masigurong ang mga ipinupunla natin ngayon ay madidiligan sa mga susunod na panahon, at hindi matatabas lamang ng mga nais magbalik sa baluktot na daan,” aniya.
“Kung magtutuloy-tuloy tayo sa tuwid na daan, lalo pang gaganda ang ating patutunguhan. Ang hamon sa atin ay siguruhin na magiging permanente ang bunga ng ating pagsisikap,” dagdag niya.
Pinaalalahanan din niya ang mga mayor na ayudahan ang mga politiko na may integridad, tapat at may kompiyansa ang publiko.
Kasama ng Pangulo sa entablado si Interior Secretary Mar Roxas, ang tinukoy nina Budget Secretary Butch Abad at Senate President Franklin Drilon na manok ng Liberal Party sa 2016 presidential elections.
Kaugnay nito, inihayag ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, bagama’t hindi pa kinikilala ni Pangulong Aquino ang kanyang ieendosong presidential bet sa 2016 polls, walang nagbabawal kay Drilon na tukuyin si Roxas bilang magpapatuloy ng “tuwid na daan” at reporma ng adminsitrasyon.
“The President has described the virtues of someone he believes should succeed him – one that will continue to tread the straight path and continue the reforms he started in 2010. While the President has yet to endorse his candidate, it does not preclude the Senate President to identify the person who Senate President Drilon believes will tread the straight path and push the reforms the President started beyond 2016,” sabi ni Lacierda.
Rose Novenario