Correctional ‘Welcome’ kay Napoles (Kahit ‘congested’ na)
hataw tabloid
April 16, 2015
News
NAKAHANDA na ang Correctional Institution for Women sakaling sa kanila ikulong si Janet Napoles na hinatulang guilty sa kasong serious illegal detention.
Sentensiyang reclusion perpetua o hanggang 40 taon pagkabilanggo ang ipinataw ng Makati Regional Trial Court kay Napoles dahil sa ilegal na pagdetine sa dating empleyado at kamag-anak na si Benhur Luy.
Sa commitment order na inilabas ng korte, iniutos na ikulong si Napoles sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City.
Sinabi ni Dr. Edilinda Patac, officer-in-charge sa Correctional, handa silang tanggapin si Napoles.
Bagama’t aminadong ‘congested’ na ang kulungan, 1,500 ang capacity ngunit 2,273 ang inmates, binigyang diin ni Patac na maayos at malinis ang kanilang mga tinatawag na dormitoryo.
Bawat dormitoryo aniya may 50 hanggang 100 inmates. Lahat aniya ng nakakulong na itinuturing nilang residente ay sa kutson natutulog at uniform ang damit, walang naka-civilian.
May nagagamit din electric fans ang inmates, at kung irerekomenda ng doktor na magkaroon ng solong electric fan ang isang nakakulong halimbawang may sakit at hindi gaanong ventilated ang lugar, maaari aniyang pagbigyan.
Pagdating sa pagkain, ani Patac, mayroon silang catering at kabilang sa kadalasang inihahanda ang tuyo, sinangag, munggo at sardinas. Kung may pera ang inmate, maaari siyang bumili ng ibang pagkain at magpaluto.
Gayonman, hanggang P2,000 cash lang ang maaaring hawak ng isang inmate sa Correctional.
BJMP pa rin hirit ng pork barrel scam queen
HINILING ng kampo ni Janet Lim-Napoles sa Sandiganbayan na payagan siyang manatili sa BJMP detention sa kabila ng commitment order ng Makati RTC makaraan mahatulang guilty sa kasong serious illegal detention.
Matatandaan, iniatas ng Makati court na ikulong si Napoles sa New Bilibid Prison’s female correctional sa Mandaluyong City.
Ngunit lumalabas sa mismong pag-amin ni Dr. Edilinda Patac, officer-in-charge sa correctional, congested na ang kanilang mga piitan.
Ngunit wala silang magagawa kung doon dadalhin si Napoles dahil obligasyon nilang i-manage ang buong kulungan.
Para sa mga abogado ni Napoles, sana ay ikonsidera ang kalusugan at seguridad ng kanilang kliyente.
Sa maikling pahayag ng binansagang pork barrel scam queen, sinabi niya sa media na ayos lang siya sa kabila ng hatol na habambuhay na pagkakabilanggo ng lower court.