ni Ed de Leon
IBA na talaga ang dating ni Governor Vilma Santos. Napanood namin ang ginawang interview sa kanya ni Professor Winnie Monsod, iba na talaga ang dating ng aktres. Kung sumagot si Ate Vi, hindi kagaya ng ibang mga artista na puro paduda. Ang mga sagot niya eksakto. Ibig sabihin siya iyong tao na alam ang tunay na kalagayan niya sa lipunan. May self confidence.
Napansin din namin, dahil madalas naman namin siyang nakakakuwentuhan, consistent siya sa kanyang mga statement. Kahit na sino pa ang kaharap niya, kahit na ano pa ang political o business affiliations ng kanyang kausap, ang kanyang statement ay pareho rin, meaning talagang buo sa kanyang isip ang kanyang pinaniniwalaan.
Hindi na namin babanggitin ang edad ni Ate Vi, dahil consistent din naman siya sa pagsasabing “37 lang ako”. Pero tingnan ninyo ang hitsura ni Ate Vi, hindi ba naman talagang mukhang leading lady pa rin. Maayos ang hitsura, maayos ang pananamit. Hindi kagaya ng iba na makikita mong ang mukha ay nilipasan na ng panahon at ang mga pileges ay hindi makakayang burahin kahit nina Belo at Calayan. Hindi lumalabas si Ate Vi na nanggigitata at nagsusuot ng damit na hindi maganda ang amoy.
Marunong siyang pangalagaan ang sarili, na natural lang naman dahil artista siya. Aba, nakahihiya para sa isang artista noong makikita ka ng publiko na nanggigitata. Nakahihiya kung mayroong hindi magandang amoy na maamoy ang mga kaharap mo. Sa ngayon iyong mga movie reporter nga lang makikita mo kung gumayak eh, tapos artista ka nanggigitata ka?
Inilabas na rin ni Ate Vi ang isa sa kanyang mga well guarded secret. Inamin na niyang malaki ang kinikita niya sa mga ginagawa niyang pelikula. Iyong kinikita niya bilang isang aktres, anim na taong suweldo na iyon ng isang senador. Katumbas na rin iyon ng tatlong taong suweldo ng isang vice president. Bakit nga ba mag-aambisyon pa siya roon eh may mapagkakakitaan pa naman siyang mas ok?
Hindi naman siya kagaya ng ibang artista na binabayaran na lang ng barya-barya, kaya hindi na halos makabayad sa bahay at nagtitiyagang magdildil ng cup noodles.