Decriminalization ng libel malabo — Speaker Belmonte (Patuloy na ginagamit vs journalists)
hataw tabloid
April 15, 2015
News
MALABO pa sa sabaw ng sinaing ang inaasam-asam ng media practitioners na ma-decriminalize ang libel suit sa bansa.
Ito ang napag-alaman mula kay House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte nang tanungin ng HATAW ang kalagayan ng nabanggit na panukalang batas.
Ayon sa mataas na opisyal ng Kamara, na isa rin dating mamamahayag, mayroong limang panukalang batas ang inihain sa Kongreso ngunit nakabinbin ngayon sa Committee on Revision of Laws.
“Five Bills on decriminalizing libel, pending with Committee on Revision of Laws and have yet to be taken up by the committee,” pahayag ni Belmonte sa HATAW.
Base sa ibinigay na impormasyon ni Public Relations and Information Bureau (PRIB) chief Rica Dela Cuesta, kabilang sa mga naghain ng naturang panukalang batas ay sina Bayan Muna Party-List Rep.Carlos Zarate (House Bill 1324), Rep. Evelina Escudero (House Bill 2036), at Rep. Ibarra Gutierrez (House Bill 3422).
Nabatid sa ilang beteranong mamamahayag sa Kongreso, aabutin nang siyam-siyam ang nasabing bills dahil marami pang pagdaraanang proseso bago tumuloy sa plenaryo at maging ganap na batas.
Samantala, hindi sumasagot si Zarate sa tanong ng sumulat nito, kung ano na ang kalagayan at kahihinatnan ng kanyang panukalang batas.
Nangangamba ang mga mamamahayag sa patuloy na nangyayaring harassment sa mga mamamahayag sa bansa gamit ang libel gaya nang nangyari sa batikang kolumnista at dating National Press Club (NPC) President Jerry Yap na inaresto ng mga kagawad ng Manila Police District (MPD) Warrant Section noong nakalipas na Easter Sunday sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA ) Terminal 3.
Binalewala ng nasabing pag-aresto kay Yap ang existing Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng PNP, Department of the Interior and Local Government (DILG), at mga media organization gaya ng National Union of Journalists of the Philippines, Philippine Press Institute (PPI), Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas at NPC.
Bukod dito, nilabag din ng nabanggit na mga pulis ang Memorandum Circular No. 3 ng DoJ na nag-uutos sa lahat ng law enforcement agency na walang pag-aresto na dapat gawin sa mga araw ng Biyernes, weekend (Sabado at Linggo) at mga araw na itinakdang holiday para sa mga kasong hindi grabe at karumal-dumal.
Jethro Sinocruz