Trucking Co. ng BUHAY party-list rep illegal (Lumabag sa building code at walang business permit)
hataw tabloid
April 13, 2015
News
SINABING lumabag sa Building Code 301 at walang kaukulang business permit ang trucking company ni Buhay Partylist Congressman Erwin Cheng na naging dahilan upang padalhan ng Notice to Comply ni Bgy. San Dionisio, Parañaque City, Brgy. Captain, Dr. Pablo R. Olivarez, ama ni Parañaque City Mayor, Edwin Olivarez.
Dalawang buwan na ang nakalilipas nang padalhan ng notice to comply ng Brgy. San Dionisio ang Shacman Motors Corporation na matatagpuan sa Amvel City Business Park, Sucat Road, Brgy. San Dionisio, Parañaque City, na pag-aari umano ni Buhay Partylist Erwin Cheng, ayon sa mga guwardiyang nakatalaga.
Hanggang isinusulat ang balitang ito, hindi pa nagpapakita sa Barangay ang namamahala sa nasabing kompanya upang matiyak na inayos na ang proseso para sa building at business permits.
Sa liham na ipinadala ng Barangay San Dionisio, isinasaad na ang negosyo umano ni Cheng ay walang locational permit, lumabag sa renovation, excavation, structure demolition at wiring connection.
Wala rin umanong clearance o permit sa Barangay San Dioniso na ginagawa ng isang negosyante bago magsimula sa anomang negosyo.
Napag-alaman na ang Shacman Motors Corp., ay nasa lupa na pag-aari umano ni El Shaddai Leader, Mike Velarde.
Samantala, nabatid din sa isinagawang inspeksiyon, walang business permits ang napakaraming stalls na nagtitinda sa loob ng Amvel City Business Park.
Buwan ng Pebrero nang padalhan ng liham ng Bgy. San Dionisio si Sherry Yambao, Vice President for Finance-Admin ang Extron Ordinary Property Mgt. Inc. sa Amvel City Business Park.
Sa naturang liham ay hinihiling ng barangay ang listahan ng bilang ng mga nakatayong stalls sa loob ng Amvel, nang sa gayon ay magampanan ng tanggapan ng Business Permits and Licensing Office (BPLO) ang kanilang tungkulin na mangolekta ng revenues, na makadagdag sa real property at business tax ng pamahalaang lokal ng lungsod ng Parañaque.