ni James Ty III
HABANG naghahanda ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao sa kanyang nalalapit na laban sa Mayo 3 katunggali ang Amerikanong si Floyd Mayweather, ipalalabas sa mga sinehan ang isang pelikula tungkol sa kanya noong bata pa siya at tinuruan siya ng pagbo-boksing sa tulong ng kanyang tiyuhing si Sardo Dapidran.
Ang pelikulang Kid Kulafu ay idinirehe ni Paul Soriano at ipalalabas ito sa mga sinehan sa Abril 15 sa tulong ng Star Cinema.
Bida sa pelikula ang batang aktor na si Buboy Villar na dating kilala bilang sidekick niMarian Rivera sa mga teleserye ng aktres.
Kasama rin sa pelikula si Cesar Montano bilang Dapidran habang gagampanan niAlessandra de Rossi ang ina ni Pacquiao na si Dionesia.
“’Yung tito Sardo ni Manny talaga ang nagdala sa kanya sa boksing. Idolo niya ‘yung mga bigatin tulad nila Muhammad Ali,” wika ni Villar sa press conference ng pelikula noong Lunes ng gabi.
Muntik na ngang ‘di magkaroon ng Manny Pacquiao. Ang patpating bata mula sa Kibawe, Bukidnon ay walang kapag-a-pag-asa sa mga ibinato ng mundo sa kanya, hanggang sa nagsimula siyang magtibag ng puno ng saging mula sa pangbubuyo ng kanyang tito.
At diyan pumasok si Rod Nazario, ang pumanaw na patron ng boksing ay binigyan ng pagkakataon ang batang boksingero. Naniwala siya na may kakayahan si Pacquiao na tapatan ang mga karangalan nina Gabriel “Flash” Elorde, Luisito “Lindol” Espinosa, at Pancho Villa.
Ngunit hindi niya inakala na hihigitan pa pala iyon at nagkampeon hindi lang sa isang dibisyon, ngunit sa walo.
“Marami pa tayong hindi alam tungkol kay Manny Pacquiao, kahit na sabihin pa nila na kilala na nila siya. Tinanong ko pa nga si Direk Paul kung nangyari ba talaga ‘yung mga isinu-shoot namin, at sabi niya oo. Makikita ito ng lahat sa ‘Kid Kulafu’,” sabi ni Villar.