ni Roldan Castro
HINDI maiwasang tanungin si Direk Paul Soriano tungkol sa nalalapit na kasal nila ni Toni Gonzaga sa presscon ng pelikulang idinirehe niya, ang Kid Kulafu.
Nagbiro siya na first time niyang masosolo si Toni na malayo kay Mommy Pinty.
Bawi ni Direk Paul, walang problema kung sasama ang parents niya sa honeymoon nila ni Toni.
“Okay lang, I’ve learned to accept the fact na marrying Toni means marrying all her family,” deklara niya.
Wala pang kompirmasyon ang napapabalitang June 12 sila ikakasal.
“June 12 is gonna be our 8th year. Independence day is our anniversary. Medyo ironic, ‘no? So exciting,” sey lang niya.
Anyway, sa April 15 na mapapanood ang untold story ni Manny Pacquiao na Kid Kulafu.
“Ang focus nito ay ang buhay ng batang Pacman—mula pagkapanganak hanggang sa pagka-teenager niya, bago pa niya nakamit ang lahat ng championship, yaman, at kasikatan,” pahayag ni Direk Paul na prodyus ng ABS-CBN, Star Cinema, at Ten17 Productions.
“Makikita sa pelikula kung gaano kahirap ang buhay nila Manny sa General Santos at paano niya hinarap, nilabanan at pinatumba ang bawat problema na sumubok sa tibay ng kanyang loob at pananalig sa Diyos,” ani Direk Paul.
Ayon pa kay Direk Paul, mas naging inspirado siyang gawin ang Kid Kulafu nang higit na makilala ang People’s Champ matapos ang ilang beses na masinsinang usapan nila sa gitna ng dalawang taong research para sa pelikula.
Pagbabahagi ni Manny kay Direk Paul, “Lahat ng mga sakit at knock out ko sa boxing ngayon, puro physical na sakit lang ‘yan. Pero alam mo, kung ano ‘yung mas masakit? ‘Yan ay ‘yung wala kang pagkain, walang bahay, at walang pamilya. Lahat ng ‘yun, dinanas ko noong bata pa ako.”
Katulad ni Direk Paul, labis na karangalan din para sa dating child actor na si Buboy Villar ang maging bahagi ng biographical film tungkol kay Manny, lalo pa at siya ang gumanap bilang si Pacman.
“Noong nag-audition po ako, pang-1,000 plus po ang number ko. Kaya po nang nalaman kong ako po ang napili, sobrang saya ko dahil idol ko po talaga si Pacquiao,” sabi ni Buboy na dumaan sa matinding boxing training para sa pelikula.
“Dahil sa ‘Kid Kulafu’ nalaman ko pong malaking inspirasyon si Sir Manny sa mga bata ngayon dahil sobrang sipag niya, may pangarap na makaahon sa hirap at malaki ang respeto at pagmamahal sa kanyang mga magulang at pamilya,” ani Buboy. “Noong pumasok po si Sir Manny sa amateur boxing, hindi po niya goal na manalo. Ang gusto lang po niya ay makatulong na may makain ang pamilya niya at maging proud sa kanya ang mga magulang niya.”
Tiniyak pa ni Buboy na, “Marami pa pong bagong malalaman ang tao tungkol kay Paquiao sa pelikula. Marami pa po siyang pinagdaanan na hindi pa natin alam. Dahil bago siya maging champion sa mata ng buong mundo, siya muna ang batang puno ng pangarap at pag-asang si Kid Kulafu.”
Kinunan ang mga eksena ng Kid Kulafu sa mga piling lugar sa Saranggani at General Santos na kinalakihan ni Manny.
Gaganap sa pelikula bilang mga magulang ni Manny na sina Dionisia at Rosalio ang award-winning actors na sina Alessandra de Rossi at Alex Medina. Bahagi rin ng cast sina Cesar Montano, Khalil Ramos, at Igi Boy Flores. Ito ay sa ilalim ng panulat ni Froilan Medina, samantalang tumayong creative consultant ng pelikula si Amor Olaguer at fight director si Erwin Tagle.