SA bagong talk show ng TV5 na Showbiz Konek na Konek na iho-host nina Bianca King, MJ Marfori, at IC Mendoza ay napag-usapan si Dennis Trillo dahil hindi naging maganda ang pakikipaghiwalay nito sa girlfriend niyang aktres.
Naghiwalay sina Dennis at Bianca sa pamamagitan lang ng text message na ipinadala ng aktor kaya sobrang nasaktan daw ang dalaga at inamin niyang isinulat niya ito sa kanyang blog.
“Basahin po ninyo ‘yung isinulat ko sa blog ko, na-publish po ‘yun sa Meg Magazine.
“At noong ipinost ko po ‘yun sa blog ko, tingnan po ninyo ang mga reaksiyon ng tao. Naramdaman po nila ‘yung pinagdaanan ko.
“Marami rin pong humihingi sa akin ng advice kung paano rin sila makaka-get over doon sa heartbreak na pinagdaanan nila,”sabi ng TV host/actress.
Hindi naman daw nagtagal ang naramdamang sakit ni Bianca dahil, ”mga one month after po naka-get over na ako. Kasi po, hindi po magandang gawin ‘yun sa kahit na sinong tao.
“Kahit hindi mo man mahal ‘yung tao, bilang respeto mo sa tao, maganda na makapag-usap ng face to face.
”Kahit hindi breakup, ‘yung important na usapan, I think, it’s better in person,”pahayag ni Bianca.
At dahil may Showbiz Konek na Konek na si Bianca ay posible bang ma-solo interbyu niya si Dennis? ”Kung mayroon siyang gustong i-promote o kung may issue siya, willing ako.
”Kailangan may reason. Baka naman hindi siya magpa-interview kung wala naman siyang ipu-promote. Being realistic, ha, putting into context of the show, oo, ‘yun.
“Kung gusto niyang gamitin ang show namin as platform para makapagsalita, of course, I’m more than willing to accommodate him.
“Hindi naman ako gagawa ng kung ano-anong issue para gumawa lang kung ano ang nangyari in the past,” katwiran ng dalaga.
Hindi pa rin daw sila nakapag-usap na ni Dennis simula nang maghiwalay sila noong 2012, ”nagkasalubong lang, once or twice.
“Nangyari ‘yun medyo a few weeks after, so medyo indifferent pa ako noon. Wala na ako sa feeling na parang namatayan ka? Frozen na lang ako hanggang sa mawala,” pag-amin ng TV host/actress.
ni Reggee Bonoan