ni Ed de Leon
HINDI naman masasabing isang issue pa iyon kung nasabi man ni Sharon Cuneta na parang naiisip niyang mag-retire sa US pagdating ng araw. Nasubukan na rin naman kasi niya ang buhay doon noong isang taon siyang manirahan doon para sumama kay Secretary Kiko Pangilinan na nabigyan noon ng scholarship sa US.
Noon sinasabi nga niyang kahit na-miss din naman niya ang showbusiness na kailangan niyang iwanan sa kasagsagan ng kanyang career, pati na rin ang kanyang TV show noon, nasiyahan naman siya sa buhay sa US na maraming pangkaraniwang bagay na nagagawa niya, na hindi niya magawa sa Pilipinas.
Ang isang medyo mabigat lang sa sinabi ni Sharon, naisip niya iyon dahil sa kinabukasan ng kanyang mga anak. Naniniwala ba si Sharon na hindi magiging maganda ang kinabukasan ng kanyang mga anak dito sa Pilipinas?
Bagamat sinabi rin naman ng megastar, iba pa rin talaga iyong nasa sariling bayan ka. Ito ang bayang pinaglingkuran ng napakatagal ng erpat niya. Ito rin ang bayang kumilala sa kanya at nagbigay ng karangalan. Pero kung minsan, hindi mo masisisi ang mga taong kagaya ni Sharon na nag-iisip na mangibang bayan na lang pagdating ng araw, lalo na at may kakayahan naman silang gawin iyon. Marami pa ang maaaring kagaya niya na desmayado na rin sa mga nangyayari sa ating bansa, wala nga lang ibang mapuntahan.
Nagkakatawanan nga kami noong isang gabi dahil sabi ng isa naming kaibigan, nasabi nga raw siguro ng dating Pangulong Manuel Quezon na ”I’d rather live in a country like hell by the Filipinos, rather than in a country ran like heaven by the Americans”. Sabi nga nila masasabi pa kaya iyon ni Quezon kung nabubuhay siya sa panahong ito?