BBL idudulog sa UN ng MILF
hataw tabloid
March 30, 2015
News
BALAK dumulog ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa United Nations (UN) sakaling palabnawin ng Kongreso ang Bangsamoro Basic Law (BBL) para sa usapang pangkapayapaan sa Mindanao.
Ayon kay MILF Vice Chairman Ghadzali Jaafar, hindi matatanggap ng MILF kung malabnaw ang kinalabasan ng BBL lalo na kung mas mahina pa sa papalitan na Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ani Jaafar, pagtatawanan sila kung tatanggapin nila ang pinahinang BBL.
Ang pahayag ni Jaafar ay kasunod ng pagiging kontrobersiyal ng BBL makaraan ang pagkamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao na nadawit ang ilang miyembro ng MILF.
Bagama’t sinabi ng MILF official na wala pa silang timetable kung kailan dudulog sa UN, magkakaroon aniya ng desisyon kung hihina ang nilalaman ng BBL.
Kasabay nito, hiniling ng liderato ng MILF sa government officials, Christian churches at maging sa media na bigyan na pagkakataon ang kapayapaan sa Mindanao.
Security forces ng Malaysiya nakaalerto (Sa posibleng breakdown)
NAGHAHANDA na ang bansang Malaysia sakaling tuluyan nang malusaw ang usaping pangkapayapaan ng Philippine government at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Kabilang sa ginagawang paghahanda ng Malaysia ang pag-activate ng kanilang offshore military bases.
Batay sa report ng isang Malaysian news site, ang military bases ng Malaysia partikular sa bahagi ng Sulu Sea ay nakatakdang maging operational sa Abril na layong pigilan ang posibleng pagpasok sa kanilang bansa ng libo-libong displaced southern Filipinos.
“If the peace process can’t go through in June then it means war. Twelve years of talks and because of one incident, they will have war,” pahayag ni Malaysian Defense Minister Datuk Seri Hishammuddin Hussein.
Tinutukoy ni Hishammuddin ang January 25 Mamasapano incident na 44 miyembro ng PNP Special Action Force ang namatay.
Dagdag ni Hishammuddin, pinaghahandaan ng kanilang security forces ang posibleng paglikas ng mga sibilyan patungong Malaysia.
“If we have a wall of offshore bases, we may have a chance to stop the exodus of people,” pahayag ng opsiyal.
Paliwanag ni Hishammuddin, ang ginagawa ng Malaysia ay bilang preacutionary measures at gagawin nila ang lahat para hindi magkaroon ng spillover sa may bahagi ng Sabah.