Pang-unawa hiling ni Pnoy sa Fallen 44 (Hindi ‘sorry’ sa namatayan)
hataw tabloid
March 27, 2015
News
HUMINGI ng pang-unawa si Pangulong Benigno Aquino III sa gitna ng kontrobersyang nilikha ng sagupaan sa Mamasapano.
Sa huling pagsasalita ng Pangulo ukol sa Mamasapano, inilatag niya ang kanyang “punto de vista” sa nalalaman at basehan ng mga desisyon.
Nilinaw ng Pangulo na kung alam niyang delikado ang isang misyon, hindi niya hahayaang tumulak ang isang tropa.
“Pero sa ipinakita sa aking bersiyon ng plano, nakombinsi ako na talagang pinaghandaan at magiging maayos ang pagpapatupad.
“Ipinagpalagay din nating masusunod ang lahat ng iniutos natin lalo pa’t mga propesyonal ang ating mga nakakausap hinggil dito. Ang sa akin lang po, subukan rin n’yong ilagay ang sarili n’yo sa sitwasyon ko.”
Kung umaga pa lang aniya ng operasyon ay tinapat na siya ng mga kausap, “sa tingin n’yo ba di ako gagawa ng paraan para tulungan ang ating hanay?”
Dahil “walang urgency” ang mga mensahe, tumuloy aniya siya sa Zamboanga nang araw na iyon.
Gabi na aniya nang abisohan siya sa lagay ng 84th seaborne company ng SAF. Dito na umano niya iniutos na gumawa ng plano sa pagsalba sa puwersa.
“Sa mata po ng Diyos, totoo po ang sinasabi ko sa inyo pero batid kong may ilan nang sarado ang isip at ‘di na makikinig kahit ano pa ang aking sabihin.
“Batid ko po na walang salitang sasapat upang maipaliwanag ang pagkamatay ng ating magigiting na pulis,” ani Aquino sabay banggit na walang tutumbas sa lungkot ng naulila.
“Ang magagawa ko na lamang… humingi po ng pang-unawa. Gaano man katindi ang galit ko sa ginawang pagsuway sa ibinigay kong utos, gaano man ang pagsisisi ko sa pagtitiwala sa mga taong itinago sa akin ang totoo hindi ko mabubura ang katotohanan, patay na ang 44 miyembro ng ating pulisyan.”
Dadalhin aniya hanggang hukay ang sinapit ng 44 SAF troopers.
“Sa bawat Pilipinong nabigo at nasaktan dahil sa mga pangyayaring kaugnay ng operasyong ito, buong pagpapakumbaba kong hinihiling ang inyong pang-unawa.
“Bilang Pangulo pasan ko ang responsibilidad para sa ano mang resulta, sa ano mang tagumpay, pasakit o trahedya na maaari nating matamasa sa paghahangad nang pangmatagalang seguridad at kapayapaan,” giit ng Pangulo.
Sinabi niyang bagama’t responsibilidad niya ang daang milyong Filipino, hindi niya kayang bantayan ang lahat sa lahat ng oras at ‘di rin niya nababasa ang nasa utak ng kausap.
Ikinalulungkot aniya ang mga dinaramdam ng mga naulila sabay paglilinaw na kaya hindi siya nakita sa paglapag ng mga labi sa Villamor Airbase ay para mabigyang espasyong magluksa ang mga kaanak ng SAF.
Matatandaan, maraming pumuna sa Pangulo noon na manhid at walang pakiramdam.
Nais aniya niya noon na may dala siyang sagot sa mga nangyari oras na tanungin siya ng mga namatayan.
Bagama’t sang-ayong pinagtitibay ang posisyon ng pamahalaan, mistulang binanatan din ng Pangulo ang BOI at Senate report sa Mamasapano incident sa pagsasabing imbes magtanong ay naglagay ng mga espekulasyon.
“Paano naman makatutulong sa paglilinaw ng isyu kung hula ang gagamitin imbes facts?”
Ikinalulungkot ng Pangulo ang pagkadamay ng usaping pangkapayapaan dahil sa isyu.
Samantala, sinabi ni Aquino na bukas pa rin siyang magsalita ukol sa isyu sakaling hingin ng kinauukulan.