PNoy takot mag-sorry — Miriam (Dahil sa nagbabantang kaso)
hataw tabloid
March 26, 2015
News
NANINIWALA Sen. Miriam Defensor-Santiago na nagmamatigas na humingi nang paumanhin si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kaugnay sa pagkamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) makaraan mapatay ang international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan sa Mamasapano, Maguindanao noong nakalipas na Enero 25.
Ayon kay Santiago, umiiwas at takot si Aquino na mag-sorry upang maiwasan ang ano mang kaso na maaari niyang kaharapin sa oras na bumaba sa pwesto sa taon 2016 dahil mawawala na ang kanyang immunity.
“Remember that after he is no longer President, he becomes liable to all manner of suits. He loses his immunity from suit, both civil and criminal,” wika ng senadora.
Magugunitang iginigiit ng Malacañang na matagal nang inako ni Pangulong Aquino ang responsibilidad sa Mamasapano incident ngunit umiiwas ang Pangulo na humingi ng paumanhin.
Sa kabila ito ng panawagan ng iba’t ibang grupo maging ng mga mambabatas na mas mainam na mag-sorry na lamang ang Pangulo sa sumablay na operasyon sa Maguindanao.
Cynthia Martin
Banat ni Miriam sinopla ng Palasyo
SINOPLA ng Palasyo ang banat ni Sen. Miriam DEfensor-Santiago na natatakot na makasuhan pagbaba sa puwesto si Pangulong Benigno Aquino III kaya hindi humihingi ng paumanhin kaugnay sa Mamasapano operation.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., walang pinalalagpas na tsansa ang Pangulo para makamit ang hustisya sa pagpaslang sa 44 Special Action Force (SAF) commandos.
“Ginawa, ginagawa, at gagawin ng Pangulo ang lahat ng nararapat hinggil sa pag-alam sa buong katotohanan na magbibigay-daan sa pagpapanagot sa mga responsable sa pagpaslang sa PNP SAF 44 at pagtamo ng katarungan para sa kanila,” ani Coloma.
Sa press conference kahapon, inihayag ni Santiago na alam ng Pangulo na mawawala na ang immunity niya sa asunto pagbaba sa puwesto kaya umiiwas na humingi ng paumanhin dahil maaaring ituring ng korte na pag-amin ito sa pananagutan sa madugong Mamasapano operation.
“So he is afraid that if he apologizes, in effect, some court might consider that that is a confession admissible in law and in effect therefore he will be his own worst witness. That is why he does not want to apologize. He wants to evade any criminal or even civil liability after 2016,” sabi ni Santiago.
Ilang grupo at mambabatas ang nanawagan kay Pangulong Aquino na mag-sorry ngunit naninindigan ang Palasyo na inamin naman na ng Punong Ehekutibo ang responsibilidad sa insidente.
Kaugnay nito, ipinauubaya na ng Malacañang sa mga kongresista kung paano nila makukuha ang panig ni Pangulong Aquino sa pagpapatuloy ng kanilang imbestigasyon sa Mamasapano incident.
Nauna nang tinukoy sa Board of Inquiry (BOI) report na binasbasan ni Pangulong Benigno Aquino ang depektibong Oplan Exodus at nilabag niya ang chain of command nang ipamahala ito sa kaibigang si Director General Alan Purisima na suspendido ng Ombudsman, na nagresulta sa pagkamatay ng SAF 44.
Rose Novenario