QC Mayor Bistek inilalaglag sa pag-towing
hataw tabloid
March 24, 2015
Opinion
KALIWA’T KANAN nakikita sa mga pangunahing lansangan ng Quezon City ang mga perhuwisyong towing services/trucks. Marami rin ang nagrereklamo laban sa mga abusadong towing companies. Hila nang hila sila kahit may driver o kahit wala naman sa towing area ang sasakyan.
Bukod dito, hindi rin sila sumusunod sa tamang proseso – ang tulungan muna ang mga nasisiraan bago hilain – kung talagang hindi na maayos, hilahin na.
O ‘di kaya tulungan muna ang nagpapalit ng flat tire bago hilahin kung talagang hindi uubra ang gulong na ipapalit.
At bago hilahin dapat mag-exert muna ng effort ang towing crew na hanapin ang driver sa area.
Hindi lang ito ang problema sa mga towing services sa QC, marami rin sa kumikilos na towing sa QC ang masasabing peke dahil bukod sa walang business permit o kung mayroon man ay hindi nila ginagamit ang resibo ng QC hall sa pagreresibo sa mga tumutubos ng sasakyan. Ang dapat kasi ay resibo ng gobyerno ang gamitin at mura lang ang bayad…hindi tulad ng P1,500 sa kotse at higit pa rito ang sa truck.
Tiniyak naman noon ng isang opisyal ng QC Hall na si Ginoong Joie Sinocruz, PhD, na may mga towing services sa lungsod na walang business permit.
Aba’y ganoon ba iyon. Take note Mayor Herbert “Bistek” Bautista.
Pareng Mayor, pakisilip po ang info.
Ano pa man, isang towing service ang nakahanap ng katapat kamakailan sa lungsod. Talagang inangalan na sila ng kanilang biniktimng isang kawani ng Philippine General Hospital – si Gary Viado ng Barangay Tatalon matapos ilegal na hatakin ang kanyang motorsiklo ng mga tauhan ng MGLC towing services.
Agad na itinawag ni Viado ang insidente sa QCPD City Hall Detachment na nirespondehan ng mga tauhan ni Supt. Ritchie Claravall.
Hayun ang mga ‘tadong crew ng towing service, inaresto – siyam silang dinakip at dinala sa presinto.
Bukod dito, kinasuhan din ang siyam ng carnapping. Iyan ang tama! Buti nga sa inyo.
Ano nakahanap din kayo ng katapat!
Sa presinto, tinangka pang tumakas ng isa sa siyam pero, nakorner din siya ng mga pulis. Masuwerte ka iho…mabuti na lamang at hindi ka nang-agaw ng baril kundi…paktay ka! Ha ha ha!
Hindi lang ito ang kinahaharap na kaso ng siyam, kundi kinasuhan din sila ng usurpation of authority matapos nilang gamitin ang pangalan ni Mayor Bistek sa kanilang operasyon.
Si Mayor Bistek daw ang nag-utos sa kanila na manghila nang manghila ng sasakyan sa lungsod.
Naku ha, lalo ninyong idiniin ang inyong mga sarili. Paktay kayo kay pareng Mayor niyan. Naniniwala ang marami na walang kinalaman si Mayor sa kalokohang ito, kaya humanda kayo kay yorme.
Ano pa man, pakisilip na rin Mayor kung mayroon ngang business permit ang nabanggit na towing service. Hindi lang ito ang towing service na perhuwisyo sa lungsod kundi marami pa – gumagala sa Balintawak area at Commonwealth Avenue – marami silang kasabwat na taga-MMDA at QCPD traffic.
Bigyan mo nga ng leksyon ang mga damuho Mayor.
Kay Supt. Claravall at sa kanyang mga tauhan, saludo po tayo sa pagsaklolo ninyo sa nangangailangan. Marami pang abusadong towing diyan – nariyan sila sa Commonwealth.
Para sa inyong reklamo, suhestiyon at komento, mag-text lang sa 09194212599.