PNoy may pananagutan sa Fallen 44 — De Lima
hataw tabloid
March 24, 2015
News
AMINADO si Justice Secretary Leila de Lima na may pananagutan si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pagkamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) ng PNP noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.
Gayonman, binigyang-diin niya na ang pananagutan ng Pangulo ay hindi maituturing na kriminal.
“That is an error in judgment that one can only know from hindsight. As we all know, hindsight is 50-50, and it is so easy to play armchair presidents these days,” ani De Lima.
Wala aniyang criminal liability si Aquino ukol sa sinasabing paglabag sa ‘chain of command’ sa Philippine National Police (PNP) dahil hindi ito umiiral.
“From the beginning, we in the DoJ (Department of Justice) have been clear in saying that the chain of command as a military construct is not applicable to the PNP, especially in relation to the President’s prerogatives,” giit ni De Lima.
Nilinaw ni De Lima ang pagkakaiba ng tungkulin ng Pangulo bilang chief executive at commander-in-chief.
Aniya ang pagiging chief executive ang ginagawa ni Aquino sa araw-araw habang ang pagiging commander-in-chief ang pagbibigay ng civilian supremacy sa militar.
Mga sundalo nilasing ng SAF — Gazmin (Bago ang Mamasapano ops)
KOMPIRMADONG nilasing ng mga miyembro ng PNP Special Action Force (SAF) ang mga sundalo ng 45th Infantry Battalion isang araw bago ilunsad ang operasyon sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay Gazmin, inimbitahan ng isang miyembro ng SAF ang mga sundalo para kumain at mag-inoman sa Marbel, South Cotabato.
Ang pagkompirma ni Gazmin ay makaraan ihayag ni Senator Antonio Trillanes na napag-usapan sa isinagawang executive session ang pangyayari.
Gayonman tumanggi nang magbigay pa ng komento ang kalihim at kanya nang ipinauubaya sa publiko ang paghusga kung ano ang naging motibo ng PNP SAF .
Ayon sa kalihim, kung ito ay panggogoyo ng PNP SAF sa militar para hindi makaresponde sa operasyon ay dapat na mas maimbestigahan pa ito.
Samantala, ayon kay Philippine Army chief, Lt. Gen. Hernando Irriberi, mas mabuting alamin muna kung sino ang nag-imbita sa dinner at sino ang mga sumama.
Matatandan, una nang naging isyu sa madugong operasyon sa Mamasapano ang hindi pagresponde agad ng militar dahilan para mamasaker ang 44 operatiba ng PNP SAF ng mga miyembro ng MILF at BIFF.
Private army itinanggi ng Ampatuan Camp
ITINANGGI ng kampo ni dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., na sangkot sa sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao ang private army ng kanilang angkan.
Una rito, kinompirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kasali sa sagupaan sa Mamasapano ang mga miyembro ng private armed group ni Ampatuan Sr.
Sa pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Ampatuan, iginiit niyang nais lamang ng alegasyon na lituhin ang isyu.
“My client informs me that this is untrue, and may be part of the continuing attempt to obfuscate and confound the issue by floating the names of other parties.”
Dagdag niya, “the Ampatuans have been out of power for approximately five years, and their resources practically exhausted; therefore they do not have the influence and wherewithal to form and maintain private armed groups.”