Parusa ikinasa vs S’matic (Accuracy ng 2013 polls ipinahamak ng Smartmatic —Koko)
hataw tabloid
March 24, 2015
News
MAAARING mapatawan ng sanctions ang Smartmatic-TIM dahil sa pagkakaroon ng digital lines sa electronic images ng mga balota noong 2013 elections na nakaapekto sa accuracy ng vote count ng naturang halalan.
Ayon kay Senador Aquilino Koko Pimentel, co-chairman ng Joint Congressional Oversight Committee on Automated Elections Systems, kapag hindi naipaliwanag at naremedyohan ng Smartmatic-TIM ang problema ng digital lines, dapat itong mapatawan ng parusa.
Binigyang-diin ito ni Pimentel matapos mag-obserba sa ginagawang diagnostics ng PCOS machines sa inuupahang warehouse ng Comelec sa Cabuyao, Laguna nitong nakaraang linggo.
“Pag hindi nila ma-explain o ‘di maremedyohan, penalty should kick in. Sabi nga ni Acting Chairman (Christian) Lim, there are always penalties in all contracts, so meron din ‘yan,” ani Pimentel.
“We have to find out because it’s causing a distortion in the count…that means we purchased inaccurate machines which should have failed in the acceptance kasi ang terms of reference is 99.995 percent accuracy… with the digital lines, sira ang accuracy na ‘yun. Kasi the machine is counting votes which are not shaded or voted for by the voter,” paliwanag ng senador.
Dagdag niya, binigyan ng kanyang komite ng deadline ang Comelec at Smartmatic hanggang noong Disyembre pa ngunit hindi pa rin sila nakapagpapaliwanag sa bagay na ito hanggang ngayon.
Sinabi ni Pimentel, dahil sa digital lines, lumilitaw na nakabili ang Comelec ng depektibong election counting machines mula sa Smartmatic-TIM.
Nang dahil din umano sa digital lines, hindi naabot ng Smartmatic-TIM ang required accuracy rate na itinatadhana ng batas at terms of reference na 99.995-percent sa pagbibilang ng boto noong 2013 elections.
Dahil sa digital lines, nabilang ng PCOS machine bilang boto ang nahagip na oval ng digital lines kahit hindi naman ibinoto ng botante. Dahil din sa digital lines ay naging invalid ang mga boto ng mga botante.
At dahil hindi naabot ang required accuracy rate, idinagdag ni Pimentel na malinaw na may paglabag sa ilalim ng terms of reference na bahagi ng kontrata ng Smartmatic-TIM at Comelec.
Mahalaga umano na matukoy at malutas ang isyu ng digital line dahil ang mga lumang PCOS machine ng Smartmatic ay gagamitin pa rin sa 2016 elections.
Nauna nang inilahad ni Acting Comelec Chairman Christian Robert Lim na hanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy ang sanhi ng paglutang ng digital lines na generated digital image ng PCOS machines.
Napag alamang si Pimentel ay isa mga biktima ng digital lines noong eleksyon ng 2013.
Ayon sa ulat, si Pimentel ay dapat ikalima sa ranking ng mga senador pero naitala lamang bilang pangwalo noong eleksyon dahil nabawasan ang bilang ng kanyang opisyal na boto dulot ng digital lines.
Batay din sa ulat, ang isa pang naging biktima ng digital lines ay si evangelist Bro. Eddie Villanueva na tumakbo rin bilang senador pero natalo.
Sa kasong pinagpasyahan ng trial court sa Nueva Ecija, natuklasang daan-daang boto para kay Villanueva ang hindi nabilang dahil sa digital lines.