Thursday , December 26 2024

Hindi kontento sa paliwanag ni PNoy

00 firing line robert roqueNOON ay si Vice President Jejomar Binay ang pinipilit at pini-pressure na magpaliwanag sa mga isyu na kinasangkutan nito, kaugnay ng mga ibinibintang na iregularidad na naganap umano sa Makati sa panahong siya ang alkalde.

Pero nag-iba na ang ihip ng hangin dahil ngayon ay si President Aquino naman ang nabalot ng kontrobersya at hinihintay na magbigay ng paliwanag kaugnay ng trahedya sa Mamasapano, na magiging katanggap-tanggap para sa kanyang mga “boss.”

Patuloy na dumarami ang nananawagan na humingi ang Pangulo ng paumanhin sa buong bansa at akuin ang responsibilidad sa pagkasawi noong Enero 25 ng 44 Special Action Force (SAF) commandos, na may misyon na hulihin ang dalawang pusakal na terorista sa teritoryo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ang puna ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ay mahina na ang pamumuno ni PNoy, nawawalan na ito ng impluwensya at hindi na pinaniniwalaan ng mga Pilipino habang papalapit ang pagtatapos ng kanyang termino. Ang dahilan ay masyado raw nakatuon ang atensyon ng Pangulo sa trahedya na naganap sa Mamasapano.

Ito ang nasabi ni Pabillo matapos lumabas noong nakaraang linggo ang resulta ng survey ng Pulse Asia sa buong bansa sa unang bahagi ng buwang kasalukuyan, kung saan nakasaad na walo sa bawat 10 o 79 porsyento ng mga Pilipinong nasa hustong gulang ay hindi kuntento sa paliwanag na ibinigay ni PNoy.

Sampung porsyento lamang sa mga nakapanayam ang nagsabing sapat na ang paliwanag ng Pangulo at 11 porsyento ang hindi pa desidido sa pagbibigay ng kanilang komento.

Lumabas din sa naturang Pulse Asia survey na ang nakuhang approval ratings ni Aquino na 59 porsyento noong Nobyembre ay bumagsak nang 21 puntos sa 38 porsyento. Gayun din ang trust ratings ni PNoy na bumulusok nang 20 puntos sa 36 porsyento mula 56 porsyento,.

Hindi rin umaayon ang 79 porsyento sa desisyon ni President Aquino na huwag salubungin ang mga labi ng mga pinaslang na tropa ng SAF sa Villamor Airbase, at sa halip ay dumalo sa inagurasyon ng planta ng Mitsubishi Philippines sa Laguna.

Nakaligtaan kaya niya kung gaano ito kahalaga? Nakangiti pa siya sa isang lumabas na larawan habang nakikipagsaya sa naturang inagurasyon. Para sa marami ay pagpapakita ito ng kawalan ng emosyon, simpatiya at pakikiramay ng Pangulo sa mga bayaning SAF.

Tulad nang ating inasahan ay magtatagal bago ito mawala sa isipan ng ating mga kababayan. Mahalaga sa mga Pilipino ang pagpapakita ng suporta ng magulang sa mga pagtitipon kung may binyagan, kasalan o pagbuburol.

Hindi maitatangging si PNoy, ang “commander-in-chief” ng Philippine National Police (PNP), ang tumatayong ama ng kapulisan.

Huwag kaligtaan na nakasira rin sa imahe o larawan ni PNoy sa mga mamamayan ang pamamaraan kung paano plinano at ipinatupad ng SAF ang “Oplan Exodus” na kasama ang nagbitiw na PNP chief Alan Purisima sa panahong suspendido ito, at ang paglilihim nito kina Interior Secretary Mar Roxas at PNP-OIC Deputy Director General Leonardo Espina.

Sa ilalim ng pamumuno ni President Aquino ay nagsulong siya ng “matuwid na daan” na hangaring mailihis ang mga taong-gobyerno sa paggawa ng mali. Pero nasaan daw ito nang magdesisyon silang ipatupad nang lihim ang Oplan Exodus sa tulong ng suspendidong PNP chief?

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About hataw tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *