Bagong mukha ng Bilibid – Liga ng Barangay
hataw tabloid
March 24, 2015
News
IBINALIK na ang pagpapapasok ng dalaw ng mga kamag-anak at kaibigan ng inmates sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City niong Miyerkoles na inalis noong Enero dahil sa pagkamatay ng isang inmate at 19 na iba pa sanhi ng pagsabog na ang motibo ay hadlangan ang repormang ginagawa ng Bureau of Corrections (BUCOR) sa loob ng Maximum Security Camp (MSC).
Ang pag-aalis ng ban at pagpapanumbalik ng dalaw ay dahil nagkaisa ang 14 na gang ng mga inmates sa Maximum para sa reporma na gusto ng BUCOR dahil ayaw na nilang maulit ang raid at hindi naman sila sangkot sa nangyaring kaguluhan.
Mismong gang leaders na ang naumay sa maling kalakaran kaya sila mismo ang nagkusa, nagkasundo at nagkaisa na talikuran na ang gang at magsimulang mamuhay nang kahalintulad sa pamumuhay ng isang normal na tao sa isang normal na pamayanan sa ilalim ng paggabay ng BUCOR.
“Kami ay nangangarap at naniniwala, sa pamamagitan ng LIGA ng mga Barangay sa NBP, kami ay makabubuo ng isang pamayanang maginoo, marespeto at repormado,” ani Jaybee Sebastian, inmate leader na nahalal na tagapangulo ng LIGA ng Barangay sa NBP (leader o ‘bosyo’ for 13 years ng Commando Gang na ngayon ay Bgy. Maginoo).
Sa Manifesto ng LIGA, nilinaw ng 14 gang-barangay na ang konsepto ng barangay at LIGA ay hakbang sa kapayapaan, bayanihan, malakas na kontrol laban sa kontrabando at maayos na pamayanan.
“It’s about time to change culture inside, from barangays and LIGA after the incident. Kailangan ang participation ng inmates policing their own rank. Napakahirap, napakalaki ng tinitingnan natin, kailangan gawing parang local barangay,” ani BUCOR Director Jesus Franklin Bucayu.
“With their participation, at least we can try not to repeat what had happened before. Pati pamilya nila ay mapapanatag na. Creation of LIGA dispels rumors,” sabi ni Supt. Richard Schwarzkopf.
Sinabi naman ni Atty. Raymund Fortun, LIGA Spokesman, ayaw na ng inmates maulit ang nangyari na sila rin ang nahihirapan kaya sila mismo ay nagdesisyong kumilos lalo na’t may reform programs sina Bucayu at Schwarzkopf na ma-rehabilitate ang mga tao sa loob sa pangunguna ng kanilang barangay chairmen para paglabas ay mabubuting miyembro na ng lipunan.
“Nakita ko sina Dir. Bucayu at Supt. Schwarzkopf trying to uplift ang kalagayan ng inmates kaya kinausap ko ang heads ng barangays at sila mismo gustong maging maayos ang lahat. Nandito man sila sa loob ay may tsansang magpakabuti dahil naniniwala silang may buhay sa labas,” ani Atty. Fortun.