NATUTUWA kami na patuloy sa paghataw ngayon ang showbiz career ni Mojack Perez. Bukod sa kaliwa’t kanang shows sa Metro Manila at mga probinsiya, may show na rin siya sa Dubai sa April 10 and 11, 2105, 8:00 p.m., ang TKO o Tawanan Kantahan Okrayan.
Ang TKO ay hatid ng Chill Entertainment at makakasama niya rito sina Manny Paksiw atCoach Freddie Cockcroach, mga impersonator ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao at ang coach niyang si Freddie Roach.
Si Mojack ay dating stand-up comedian/performer sa Klownz, Zirkoh, at Music Box. Pero dahil madalas siyang mag-out of town shows, kaya hindi siya makatanggap ng regular gig.
Nagsimula namang maging entertainer si Mojack taong 2000. ”Kasama ako ng band na Comic Attack. Then ilang taon akong nag-perform sa Abu Dhabi at Dubai noong 2004. Tapos niyon ay bumalik ako ng Pilipinas at naging stand-up comedian naman,” ani Mojack.
Idol ni Mojack sina Vice Ganda, Ai Ai dela Alas, Jose Manalo, at Kim Idol.
Bilang entertainer, itinuturing ni Mojack na inspirasyon si Vice Ganda. Aniya, malaki ang naitulong ni Vice sa pagsisimula ng kanyang career.
“Nang nag-audition po ako rati sa Punchline, si Vice ang tinanong ng may-ari kung anong masasabi sa performance ko. Sabi ni Vice po, magaling daw ako at unique ang performance ko.
“Binigyan din niya ako ng payo na pag-aralan ko raw magpatawa ng natural at ‘di scripted na comedy. Dahil sa payo niya, nag-workshop ako kay Mamu Andrew de Real kasama ang Library talents.
“Kaya inspirasyon ko po talaga si Vice at nanay-nanayan na rin. Plus, pareho po kasi kami ni Vice na galing sa comedy bar,” wika pa ni Mojack.
Sa ngayon, abala rin si Mojack sa pagdadala ng mga celebrity sa probinsiya para sa basketball exhibition game. Sa April 19, sa imbitasyon ni Mayor Ace Manalang ay may laro sila sa Tarlac City at ilan sa celebrity players na kasali rito sina Jestoni Alarcon, Onyok Velasco, Joross Gamboa, Gene Padilla, Manny Paksiw, Joseph Bitangcol, Mojack, Marco Alcaraz, at isang surprise na dating PBA star.
“Nagpapasalamat ako kay Mayor Ace ng Tarlac City dahil kami’y kanyang naimbitahan para maglaro ng basketball. Pati kay Nanay Richard Sung na very supportive sa amin at inaalalayan kami sa lahat,” pahayag pa ni Mojack.
Dahil malapit na ang election, balik-ulit si Mojack sa paggawa ng jingles sa mga politician. Sinisimulan na rin niya ang planong magtayo ng sariling talent agency.
Napakikinggan din si Mojack sa sarili niyang radio program sa Brigada News FM 104.7 every Sunday, 4:00 to 7:00 p.m. sa programang Magpa-MP, kasama niya si Manny Paksiw.
ni Maricris Valdez Nicasio