Kapangyarihan at hindi kapayapaan ang hangad ng MILF
hataw tabloid
March 23, 2015
Opinion
SA kabila ng ipinakitang kabangisan ng Moro Islamic Liberation Front laban sa 44 miyembro ng Philippine National Police – Special Action Force sa Mamasapano may mga naniniwala pa rin na dapat ituloy ang pakikipag-usap sa kanila.
Tila may mga tapa-ojo ang mga hangal at hindi nila nakikita na ang talagang layunin ng MILF ay ihiwalay ang Mindanao at Palawan sa ating republika. Hindi nila pinapansin na ang nasa-likod ng kilos ng MILF ay bansang Malaysia na siyang tunay na makikinabang kung maitatayo ang maliit na bansa o sub-state ng MILF sa Mindanao.
Ang usapang pangkapayapaan ay ginagamit ng MILF upang magkaroon ng sapat na panahon para sa kanilang ultimong agenda…ang maitayo ang isang bagong bansa na hiwalay sa ating republika. Ito ay malinaw na nakasaad sa pangalan na kanilang napili para tawagin ang mga lugar na sasakupin ng entidad na ibig nilang maitayo…ang Bangsamoro o bansa ng mga Moro. ‘E ano ba ang ibig sabihin ng bansa?
Kung babasahin natin ang nilalaman ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na magbibigay-daan sa pagtatayo ng Bangsamorong entidad ay malinaw pa sa sikat ng Haring araw na ang ibig sabihin ng bansa sa kontekstong ito ay pagkakaroon ng isang entidad na may katangian na likas lamang sa isang estado.
Sa madaling salita, isang bansa na hiwalay sa ating bansa. Isang bansa na mas malapit sa patron nitong Malaysia na kilala rin sa tawag ng Bangsamelayu.
Tama si Senador Alan Peter Cayetano nang sabihin niya na kapangyarihan at hindi kapayapaan ang tunay na habol ng MILF. Kapangyarihan ang tanging magbibigay-buhay sa pangarap ng MILF na Bangsamoro, hindi kapayapaan. Estratehikong pakana ng MILF ang panawagan para sa kapayapaan na sa kasawiang palad ay sinusuportahan ng mga hangal at takbuhin (defeatist) sa pamahalaan, akademia at iba pang sektor ng lipunan.
Kailangang manindigan ang Haring Bayang marangal laban sa mga anay. Tutulan ang BBL sa kasalukuyan nitong anyo, tigilan ang pakikipagbolahan sa MILF at itaguyod ang tunay na reporma sa Mindanao para sa lahat ng mga naninirahan sa lupang ipinangako.
Ayusin na lamang ang Autonomous Region for Muslim Mindanao upang mas maging responsable ito sa mamamayang nasasakupan. Ilantad ang Malaysia… ang tunay na salot at nasa likod ng mga kaguluhan sa Mindanao.
* * *
Kung ibig ninyo nang mahusay, dekalidad at matibay na Barong Tagalog, magsadya kayo sa Casedo’s Gown and Barong Embroidery sa Vanesa Homes, Maytalang 1, Lumban, Laguna. Hanapin ninyo ang mag-asawang Rey at Analie Casedo. Maaari rin kayong tumawag sa 09228705893 / 09165753448 / 09273008338 / 09287005132 / 09228705894 / 09399385189