Constitutional crisis ‘di mangyayari – Palasyo (Sa Makati standoff)
hataw tabloid
March 23, 2015
News
KOMPIYANSA ang Palasyo na walang magaganap na “constitutional crisis” kasunod ng Makati standoff o ang pagkakaroon ng dalawang alkalde sa Makati City.
Ang constitutional crisis ay nangyayari kapag hindi umiiral ang rule of law dahil sa hindi pagkilala ng isang sangay ng pamahalaan sa kapangyarihan ng isa pang co-equal branch of government.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay may mandato na tiyakin ang maayos na operasyon sa lahat ng lokal na pamahalaan, kasama na ang Makati City.
“The DILG is mandated with ensuring the orderly conduct of all government operations, including those in Makati City,” ani Coloma.
Ngunit ang lahat aniya ng isyung may kaugnayan sa legalidad ay tatalakayin at reresolbahin ng CA sa mga itinakdang pagdinig o oral argument sa Marso 30 -31.
Ang pahayag ng Malacañang ay bunsod nang pagmamatigas ni suspended Makati City Mayor Junjun Binay na huwag kilalanin ang isinilbing preventive suspension order sa kanya mula sa Ombudsman, tatlong oras bago siya nakakuha ng 60-day temporary restraining order (TRO) mula sa Court of Appeals (CA).
Bago pa lumabas ang TRO ay nanumpa na si Vice Mayor Romulo Peña bilang acting mayor ng lungsod na ayon sa DILG, Ombudsman at Department of Justice (DOJ) ay lehitimo at dapat kilalanin ni Binay.
May dalawang linggo nang naglulungga sa Office of the Mayor si Binay at naninindigan na siya pa rin ang alkalde ng siyudad habang si Peña ay may tanggapan bilang acting mayor sa lumang gusali ng Makati City Hall.
Ang Office of the Ombudsman ay isang independent constitutional body na may tungkulin na mag-imbestiga, magsuspinde at magpatalsik ng mga kawani at opisyal ng gobyerno at maghain ng kaso laban sa kanila sa Sandiganbayan.
Habang ang Court of Appeals (CA) ay bahagi ng sangay ng hudikatura at nasa ilalim ng Supreme Court.
Rose Novenario