Mas maraming Pinoy ayaw sa Aquino resign (Ayon sa survey)
hataw tabloid
March 20, 2015
News
Sa kabila nang pagsadsad ng approval at trust ratings, mas marami pa ring mga Filipino ang hindi sang-ayong magbitiw sa puwesto si Pangulong Benigno Aquino III.
Batay ito sa survey ng Pulse Asia na isinagawa nitong Marso 1-7, 2015.
Nang tanungin ang 1,200 respondents kung sang-ayon ba ang sila o hindi na magbitiw na si Aquino ngayon, 42% ang sumagot ng hindi habang 29% ang sumagot ng oo. Habang umabot sa 28% ang hindi tiyak.
Iniiugnay sa kontrobersya ng Mamasapano incident ang pagbulusok ng ratings ni Aquino dahil sa kakulangan at hindi pag-ako ng responsibilidad sa insidenteng ikinamatay ng 44 SAF commandos.
Nasundan ito ng pag-ugong ng panawagan ng ilang obispo mula sa National Transformation Council (NTC) na bumaba na sa puwesto si Aquino na sinuportahan din ng ilang sektor.
Matatandaan, napaulat ding mayroon nilulutong kudeta noon kontra sa kasalukuyang administrasyon na kinontra ng pahayag ng mga opisyal ng PNP at AFP.
Rose Novenario
62% mindanaoans ayaw sa BBL
MAS malaking bilang ng mga taga Mindanao ang kontra sa pagpasa ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na nakabinbin sa Kamara, ayon sa latest survey ng Pulse Asia Research Inc.
Batay sa nakalap na impormasyon ng survey firm na inilabas kahapon, 62 percent sa Mindanao ang kontra sa naturang panukalang batas, habang 20 percent lamang ang pabor dito at 18 percent ang ‘undecided’.
Lumalabas na mas popular pa ang BBL sa ibang bahagi ng Luzon na may 25 percent na sang-ayon at 32 percent lamang ang kontra.
Sa kabuuan, 44 percent ng mga Filipino ang ayaw sa BBL, 21 percent lang ang pabor habang 36 percent ang ‘undecided’.
Naniniwala ang mga eksperto na nagkaroon ng epekto sa popularidad ng BBL ang nangyaring Mamasapano encounter, na 44 tauhan ng SAF ang brutal na pinatay ng ilang mga tauhan ng MILF at BIFF.