PNoy dapat mag-sorry — FVR
hataw tabloid
March 19, 2015
News
NANINIWALA si dating Pangulong Fidel V. Ramos na kailangang humingi ng paumanhin ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III makaraan ang operasyon sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF).
Iginiit ni FVR na umiiral ang chain of command sa Philippine National Police (PNP), at kailangan akuin ni Aquino ang responsibilidad sa maduong insidente.
Binanggit din ni Ramos na kung magso-sorry si Aquino, mababawasan ang hinanakit ng taumbayan, na nagsimula aniya sa hindi pagdalo ng Pangulo sa pagdating ng labi ng SAF 44 sa Villamor Airbase noong Enero 29.
“Saying ‘I am sorry’ humbly and sincerely would probably do 90 percent of the job.”
Dagdag ni FVR, posibleng maging susi ang pagso-sorry ni Aquino sa pagbubuklod muli nang unti-unti nang nagkakawatak-watak na hanay ng pulisya, militar at Simbahan na sinasabing idinulot ng Mamasapano incident.
Dapat aniyang gawin ng Pangulo ang naturang hakbang bilang commander in chief.
Samantala, binanggit din ni Ramos na posibleng masampahan ng reklamo si Aquino pagkababa sa pwesto. (HNT)
‘Sorry’ malabo sa Palasyo
WALANG planong humingi ng paumanhin si Pangulong Benigno Aquino III kaugnay sa Mamasapano operation bagama’t inaamin niya ang responsibilidad sa madugong operasyon na ikinamatay ng 44 Special Action Force (SAF) commandos.
“We had discussions with him yesterday but none touching on the call for him to issue an apology over it,” sabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Parehong nanawagan sina dating Pangulong Fidel Ramos at Sen. Grace Poe na mag-isyu ng public apology si Pangulong Aquino dahil naging palpak ang Mamasapano operation na kanyang binasbasan.
Sinabi ni Valte, hindi rin pinagsisihan ni Pangulong Aquino na hindi niya inabisuhan ang ibang mga opisyal ng gobyerno na kasama niya noong Enero 25 habang nagaganap ang bakbakan sa Mamasapano upang naiwasan sana ang pagkalagas ng maraming tropa ng pamahalaan.
Rose Novenario
BOI Chief ipinatawag ni PNoy
KINOMPIRMA ni CIDG chief at Board of Inquiry (BOI) chairman, Police Director Benjamin Magalong na ipinatawag siya kamakalawa sa Malacañang ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kasama ang ilang miyembro ng BOI.
Ayon kay Magalong, naging “fruitful” ang kanilang pag-uusap ng pangulo dahil may ilang mga bagay na naliwanagan partikular sa ilang mga nabitin sa kanilang report.
Kinompirma rin ni Magalong na ibinahagi sa kanya ng pangulo kung ano ang kanyang nilalaman kaugnay sa madugong enkwentro sa Mamasapano noong Enero 25 na ikinamatay ng 44 miyembro ng PNP Special Action Force (SAF).
Bago pa man inilabas ng BOI ang kanilang report, una nang sinabi ni Magalong na bigo silang makausap at mahingan ng pahayag si Pangulong Aquino kaugnay sa kanyang nalalaman sa Mamasapano operations.
Senators aprub sa committee report
KARAMIHAN ng mga senador ay lumagda na sa Senate committee report kaugnay sa Mamasapano incident.
Ayon kay Sen. Grace Poe-Llamanzares, chairperson ng Senate committee on public order, umaabot na sa 14 ang sumang-ayon sa committee report at kabilang sa unang pumirma ay si Sen. Francis Escudero na chairman ng Senate committee on finance na kasamang nag-imbestiga sa Mamasapano encounter.
Hindi pa pumipirma sa report si Sen. Teofisto Guingona, chairman ng Senate committee on peace, unification and reconciliation, at kasama rin sa nag-imbestiga.
Ani Poe, nakuha na rin niya ang lagda nina Senators Tito Sotto, Serge Osmena, Koko Pimentel, Ferdinand Bongbong Marcos, Alan Peter Cayetano, Nancy Binay, Ralph Recto, Pia Cayetano at Gringo Honasan.
Maging ang mga nakakulong na sina Senators Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla Jr. ay nakapirma na rin.
Umayon din kay Sen. Poe si Sen. Miriam Defensor Santiago sa pamamagitan ng electronic signature. Aniya, allowed aniya ito sa e-commerce law.
Si Sen. JV Ejercito ay nagpahayag na rin na pipirma sa report kapag nakauwi na ng bansa. Siya ay nasa Amerika pa at inaasahang babalik ng Filipinas sa Huwebes.
Habang nangako si Sen. Loren Legarda na pipirma sa committee report.
Cynthia Martin
Summary dismissal vs Purisima, Napeñas simulan na — solon
HINILING ng isang mambabatas sa Kamara na simulan na ang summary dismissal proceedings laban kina dating PNP chief Alan Purisima at dating SAF commander Getulio Napeñas.
Ayon kay Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian, ang findings ng board of inquiry na nagtuturo ng pananagutan kina Purisima at Napeñas sa malagim na Mamasapano encounter ang dapat na maging basehan ng summary dismissal ng dalawa.
Paliwanag ng kongresista, ang pag-initiate o pagpapasimula ng summary dismissal proceeding laban kina Purisima at Napeñas ay alinsunod lamang sa disciplinary rules procedure ng PNP na nilalaman ng Memorandum Circular 2007-001.
Base aniya sa memo na ito, ang summary dismissal case ay pwedeng magresulta sa maximum penalty na pagkasibak sa serbisyo kung mabigat ang kaso at kung may sapat na ebidensiya rito.
Napeñas, humarap sa clarificatory hearing sa OMB
SUMALANG sa clarificatory hearing ng Ombudsman ang dating hepe ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na si Dir. Getulio Napeñas.
Kaugnay ito ng usapin ng Mamasapano incident na 44 mga tauhan ng SAF ang namatay makaraan lusubin ang kuta ng Malaysian terrorist na si Marwan.
Kasama ni Napeñas sa pagharap sa anti-graft body ang kanyang abogadong si Atty. Vitaliano Aguirre.
Layunin ng pagdinig na malinawan ang Ombudsman sa nilalaman ng affidavit ni Napeñas kaugnay ng inilunsad na “Oplan Exodus.”
Para sa sinibak na hepe ng SAF, hindi niya inililigtas ang kanyang sarili sa pananagutan, ngunit naniniwala siyang may responsibilidad din sina Pangulong Benigno Aquino III at resigned PNP chief Alan Purisima.
Bukod sa affidavit, ibinigay rin ni Napeñas ang hawak niyang kopya ng video na makikita sina Marwan at Basit Usman, bago ang inilunsad na pagsalakay ng SAF sa Mamasapano.