Purisima, Napeñas idiniin sa BOI Report (PNoy inabsuwelto)
hataw tabloid
March 14, 2015
News
ANG may pangunahing pananagutan dito sa pagkamatay ng 44 na SAF troopers ay walang iba kundi ang suspendidong Director General Alan Purisima.”
Ito ang konklusyon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas makaraan mabasa ang formal report ng Board of Inquiry (BOI) kaugnay ng madugong insidente sa Mamasapano.
Nitong Biyernes nai-turn over ng Philippine National Police (PNP) sa kalihim ang kopya ng BOI report. Tiniyak ni Roxas na isasapubliko ito sa parehong araw sa pama-magitan ng read-only website at maaari rin ma-download.
Kasabay nito, inilahad ng kalihim ang sariling pagtingin sa report.
Ikinatwiran ni Roxas sa paninisi sa four-star general, na si Purisima ang nakaaalam nang buong operasyon at bagama’t iniatas niya ang Oplan Exodus sa noo’y Special Action Force (SAF) chief na si Getulio Napeñas, “ang supervision, ang quality control, ang pagsisiguro na tama ang pagtatrabaho ni Napeñas ay na kay Director General Purisima.”
Paghimay ng kalihim sa pananagutan ni Purisima, nang masuspinde ang henerap ay hindi ipinasa ang chain of command kay PNP officer-in-charge Leonardo Espina.
Ang malala pa aniya, iniutos ni Purisima kay Napeñas na ilihim ang operasyon kay Espina at sa kanya na DILG secretary.
Pangatlo ani Roxas, hindi sinunod ni Purisima ang utos ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na i-coordinate ang operasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Dalawang beses pa aniya itong sinabi ng Pangulo.
Giit ng kalihim, umasa ang SAF sa pagresponde sa kanila ng militar ngunit hindi ito nangyari dahil hindi naipagbi-gay-alam sa AFP ang operasyon sa tamang oras.
“May iba pang gaps… may pananagutan si Director Napeñas, ‘yung pagpaplano, pagko-coordinate ganoon din, but in this situation, ang pinagkatiwalaan ng Pangulo ay si Director General Purisima. Ang nagpakilala kay Napeñas sa Pa-ngulo ay si Director General Purisima,” pagdidiin ni Roxas sa ngayo’y resigned PNP chief.
Samantala, inabswelto ng DILG secretary si Pangulong Aquino.
“He, as commander in chief, correctly and rightly so authorized that Marwan is the target. There is no liability to that,” giit ni Roxas.
Dagdag niya, batid ni Aquino na suspendido na ang kausap niya noong si Purisima kaya iniutos aniyang makipag-coordinate at sabihan ang PNP OIC ngunit hindi sinu-nod.
Aquino lumabag sa chain of command — BOI Report
BAGAMA’T may prero-gative na makipag-ugnayan sa sino man sa kanyang galamay, ang paki-kipag-usap ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kay SAF Chief Getulio Napeñas imbes kay PNP OIC Leonardo Espina ay pagsasawalang-bahala sa PNP chain of command.
Ito ang isa sa mga nabuong konklusyon ng PNP Board of Inquiry (BOI) sa imbestigasyon sa Mamasapano incident noong Enero 25 na ikinamatay ng 44 SAF commandos.
Sa BOI report, si Aquino ang nagbigay ng go-signal at permiso para ila-tag ang Oplan Exodus. Pinayagan din niyang makisali sa pagpaplano at pagpapatupad ng oplan ang noo’y suspended PNP Chief na si Alan Purisima.
Sa findings, ang PNP chain of command sa kaso ng Oplan Exodus ay dapat mula kay OIC Espina patungo kay Napeñas.
Wala umanong legal na dahilan para maging bahagi ng chain of command si Purisima dahil suspendido siya.
Binigyang-diin sa report: “The Chain of Command in the PNP was vio-lated.”
Sinabi rin na inilihim nina Aquino, Purisima at Napeñas ang nalalaman sa operasyon at nabigong maipaalam ito kina Interior Secretary Mar Roxas at OIC Espina.
Itinuturing na pagbali sa chain of command ng PNP ang pagsunod ni Napeñas sa utos ni suspendidong Purisima na huwag ipaalam kina Ro-xas at Espina ang operasyon.
Purisima mananagot sa Mamasapano OPS (Diin ng Palasyo)
KAILANGAN managot ni resigned PNP chief Director General Alan Purisima sa Mamasapano incident batay sa mga nakalap na ebidensiya ng Board of Inquiry (BOI) hinggil sa kanyang partisipasyon sa madugong operasyon na ikinamatay ng 44 Special Action Force (SAF) commandos.
Tiniyak ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, naninindigan si Pangulong Benigno Aquino III na hindi kakampihan si Purisima at kailangang managot base sa mga ebidensiya.
“Lagi naman pong malinaw ang Pangulo na kung ano ho… Lagi… Doon ho tayo pumunta kung saan tayo dadalhin no’ng ebidensya. And, so far, wala naman po tayong nakikita na mayroon pong maiilagan dahil lang po sa—anong tawag dito—dahil lang siguro sa sinasabi ng iba. But, again, it really should be based on evidence, which is why, in the first place, the BOI was called or convened,” ani Valte sa ginanap na press briefing bago isinapubliko ang buong Mamasapano Report ng BOI.
Tikom ang bibig ni Valte kaugnay sa pananagutan ni Pangulong Aquino sa insidente, bagkus ay muling sinisi si dating SAF chief Director Getulio Napeñas sa hindi pagkonsidera sa peace process ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) bago inilunsad ang Mamasapano operation noong Enero 25.
Umasa aniya ang Pangulo na nakipag-coordinate sa lahat ng kinauukulan si Napeñas, pati na sa ceasefire mechanism ng GPH at MILF noong Enero 25.
“Again, ina-assume ng Pangulo na hindi bagito ‘yung kausap niya, na alam mo ‘yung pupuntahan mo, alam mo ‘yung terrain, alam mo ‘yung environment ‘nung papasukan ‘nung operations n’yo. ‘Yon ang paulit-ulit na sinasabi ng Pangulo. Hindi ho ‘yan baguhang pulis, SAF commander na ho siya, and hindi na ho siguro dapat kailangan pang busisiin ng Pangulo ‘yung isa-isa na ‘O, alam mo ba ‘yung ganito?’ He doesn’t second-guess you like that nor does he micromanage like that,” paliwanag ni Valte.
Rose Novenario
BOI Report maaari nang mabasa ng publiko
MAAARI nang mabasa ng publiko ang buong resulta ng imbestigasyon ng PNP-Board of Inquiry (BOI) kaugnay sa Mamasapano incident noong Enero 25, 2015 na ikinamatay ng 44 SAF troopers.
Ito’y makaraan mai-upload ang kabuuan ng report sa official website ng PNP.
Una nang sinabi NI DILG Secretary Mar Roxas, nauna silang nabigyan ng kopya kaya na-upload na ito sa website para ma-access ng sino man.
Gayonman, ang BOI report sa on-line ay “read-only” copy at kayang ma-download ng publiko.
Mula kamakalawa ng gabi ay inaayos na ang website para matiyak na ito ay ‘secure.’
Layon ng on-line “read-only” copy na maiwasang ma-edit ito at hindi malagyan nang maling mga impormasyon.