Rabies sa Davao City tumataas
hataw tabloid
March 13, 2015
News
TUTUTUKAN ng Department of Health (DoH) ang tumataas na kaso ng mga nakakagat ng aso sa Davao City makaraan iulat na 22 katao ang namatay noong 2014, mas mataas sa 16 kaso noong 2013.
Ayon kay Devine Hilario, DoH Regional Office program officer, hindi dapat isantabi kung nakagat ng hayop kahit maliit lamang ito.
Aniya, nakalulungkot na karaniwan sa mga namatay ay dahil hindi nagpabakuna nang makagat sila ng alagang aso.
Sa datos ng DoH, 33,009 ang naitalang nakagat ng aso sa Davao noong nakarang taon, mataas sa 20,684 noong 2013, ito ay sa kabila nang agresibong kampanya ng ahensiya laban sa animal rabies.
Target ng DoH na maideklarang rabies-free ang bansa pagdating ng 2016 ngunit nakalulungkot aniya na marami pa rin ang nabibiktima.
Nabatid na noong nakaraang taon, dapat maidedeklara nang rabies free ang lalawigan ng Palawan ngunit hindi ito natuloy nang makapagtala ng isang kaso ng namatay dahil sa kagat ng aso.
Paalala ng DoH, kritikal ang 24 oras sa isang nakagat ng aso kaya dapat ang agarang pagpapabakuna.
Posible anilang sa loob ng 48 oras makaraan makagat ng aso ay magresulta ito sa pagkamatay ng biktima, kaya hindi dapat balewalain ang kagat ng aso.
“Persons bitten by animals must seek post-vaccination immediately at first bite. If they are bitten again or for every exposure, they can be given only booster dose. High incidence rate can be cut down if pet owners were more responsible,” pahayag ni Hilario.
Aniya, libreng ibinibigay sa LGUs ang anti-rabies vaccine kaya hindi dapat mag-atubili ang mga nakakagat ng hayop, para magpabakuna.
Sa talaan ng World Health Organization, kasama ang Filipinas sa 10 bansa na may mataas na kaso ng rabies.
Nabatid na 200 hanggang 300 katao ang namamatay kada taon dahil sa kagat ng aso at 1/3 ng mga namamatay ay mga bata na may edad 15 anyos pababa.
Leonard Basilio