Saturday , November 23 2024

Maguindanao Massacre malabo na ang hustisya

00 Kalampag percyNABULAGA ang buong bansa sa desisyon ni Quezon City RTC Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes na payagang magpiyansa ng P11.6–M ang isa sa mga pangunahing akusado sa Maguindanao massacre na si dating Maguindanao officer-in-charge Gov. Sajid Ampatuan. Para kay Solis-Reyes ang presensiya ni Sajid sa mga pulong nang pagpaplano na isakatuparan ang Maguindanao masaker ay hindi konklusyon na malakas ang ebidensiyang guilty siya sa krimen. Hindi kumontra o walang ginawang aksiyon si Sajid para hindi matuloy ang Maguindanao masaker kaya napatay ang 58 katao, kasama ang 32 mamamahayag, at para kay Judge Solis-Reyes hindi nangahulugan na pabor ito sa krimen. Kapag ganito ang argumento ng mga hukom, walang kaduda-duda na lalaganap ang krimen at mamayagpag ang mga maiimpluwensiyang kriminal sa Filipinas. Hindi na tayo nagulat kung bakit naglipana, hindi nakakasuhan at hindi nakukulong ang tulad ni Ma’am Arlene na judiciary fixer at influence peddler. Alam kasi ng mga tulad niya na may katapat na presyo ang hus-tisya sa bansa.

Kanselahin ang K-to-12

NAKUKUBA na ang mga magulang sa pagpapaaral sa kanilang mga anak, pero ang gob-yerno ay ginawa pang 12 taon ang pagpapahirap sa kanila. Ang masama pa, may plano ang Palasyo na magbuo ng stabilization fund para pagkunan ng pondo ng mga pribadong paaralan upang makapagdagdag ng dalawang taon na senior high school. Ang mga kapitalistang-edukador ang nais tulungan ng pamahalaan sa halip ang mga magulang na magpapaaral sa kanilang mga anak ng dagdag na dalawang taon.

Iyan ba ang tuwid na daan?

“Boy Sisi of the Phils” si VP Jejomar Binay

MAS bagay tawaging “Boy Sisi of the Philippines” si Vice President Jejomar Binay, imbes Boy Scouts of the Philippines. Sabi ni VP Binay, maaaaring ang desisyon ng Ombudsman na isulong ang preliminary investigation o bistahan siya, pati na ang kanyang anak na si Makati City MayorJun-jun Binay at iba pang opis-yal ng siyudad, kaugnay sa mga kasong graft, malversation, paglabag sa procurement law ay para pagtakpan ang Mamasapano incident. Susmaryosep, ano ang kinalaman ng pagkamatay ng 44 SAF commandos sa mga kaso ng katiwalian at paglulustay sa pondo ng bayan at pag-aabuso sa kapangyarihan na kanyang kinasasangkutan? Ang lahat nang nabuyangyang na mga kaso ni Binay ay naganap habang siya ang alkalde ng Makati City o walong taon ang nakalipas bago naganap ang Mamasapano incident. Ibig sabihin kahit walang nalagas sa SAF commandos sa nasabing operasyon noong Ene-ro 25 ay naganap ang mga kuwestiyonableng transaksiyon sa Makati City sa tungki ng ilong ng noo’y alkalde ng lungsod na si Jejomar Binay. Hindi naman porke may ibinigay na donasyon ang mga Binay sa mga nauililang pamilya ng SAF 44 mula sa pondo ng Makati City at Office of the Vice President ay puwede nang gamiting dam-age control ang sinapit ng mga bayaning SAF commandos. Nauna nang sinisi ni Binay ang politika sa pagtalop sa kanyang mga anomalya ng Senado, kesyo dahil daw sa pagkandidato niya sa 2016 presidential elections.

Hudikatura dapat linisin

WALANG ipinagkaiba si Binay sa kanyang idolong si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada na sinisi ang Amerika sa pagpapatalsik sa kanya ng People Power 2. Kesyo hindi raw nakursunadahan ng US ang inilusad niyang all-out war sa Mindanao kaya siya sinipa sa Palasyo. Ang panggagahasa ni Erap sa kaban ng bayan ay ginawa niya mula unang araw nang pagtuntong niya sa Malacañang noong 1998, santambak na ebidensiya at testigo ang nagpatunay nito kaya siya pinatalsik sa Palasyo at hinatulan na guilty ng Sandiganba-yan sa kasong pandarambong. Kaya hindi maubos maisip ng matitinong Pinoy kung saan humuhugot ng tapang ng apog at lakas ng loob sina Erap at Binay para magpanggap na malinis at walang kasalanan sa bayan. Labinlimang buwan na lang ay tapos na ang termino ng admi-nistrasyong Aquino pero hanggang ngayon ay walang senyales na malilinis ang sangay ng hudikatura sa kanyang “tuwid na daan” gaya nang ginagawa sa ehekutibo at lehislatura. Kahit anong pagsusumikap na mawala ang korupsiyon sa lahat ng ahensiya ng gobyerno, pati na sa Kongreso, balewala kung ang hudikatura na lilitis at hahatol sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan ay mananatiling nasisilaw sa pera at impluwensiya ng politika.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])  

About hataw tabloid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *