Anti-drunk, drugged driving law sa Huwebes na… kotong cops, ayos ba?
hataw tabloid
March 10, 2015
Opinion
MARSO 12, 2015, sa Huwebes na ito. Inaasahang bababa na ang aksidente sa mga lansangan na kinasasangkutan ng mga lasing o nakainom na driver/s.
Sa araw na ito kasi ang implemantasyon ng Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act.
Bawal magmaneho ang mga lasing o nakainom. Katunayan alam naman ng lahat ng driver ang kalakarang ito, lamang matitigas ang ulo ng nakararaming drayber.
Hangga’t hindi nadidisgrasya o nakaaksidente ay hindi titigil ang nakararami sa mga drayber sa pagmamaneho ng lasing o nakainom.
O Nats Taboy, uwi nang maaga o ‘di kaya huwag nang magmaneho nang nakainom o lasing.
Kaya, ayos na ayos ang batas na ito. Pabor ang nakararami sa batas na ito lalo na kay misis (‘E paano kung misis ‘yung lasing hehehe – ED).
At least, hindi na gabi-gabing mag-iinom mula sa opisina si mister. Dagdag pamalengke rin.
Pero sino nga ba ang tunay na makikinabang sa anti-drunk at drugged na ito? Sambayanan ba o ang mga manghuhuli.
Alam n’yo naman, nasa pinakamamahal na-ting Filipinas tayo. Alam na ninyo siguro ang ibig kong sabihin.
Yes, malamang na unang makikinabang sa naturang batas ay mga mangongotong sa mga lansangan. Batid naman natin na maraming Pinoy na manginginom. Mulang opisina bago umuwi ay mag-o-eBEERtime muna sila. Ang usapang tig-isang beer lang ay nauuwi sa hanggang isa o dalawang kaha. Iyan ang Pinoy, basta’t masayaran na ay tuloy-tuloy na sa pag-inom.
Kung kaya, malamang maraming pulis at iba pang awtoridad ang makikinabang nang malaki sa anti-drunk, drugged law na ito. Gabi-gabi silang tiba-tiba rito. Lahat nang lalabas ng bahay-aliwan o ‘di kaya sa mga bar, kambingan at iba pa ay kanilang haharangin. Kasi malamang na nakainom sila. Pagharang – huli kayo! Siyempre, maaaring sa unang implementasyon ay papogi muna. Talagang tutuluyan nilang kasuhan ang mga huli pero pagkalipas ng ilang linggo. Tiyak na kotong na ang susunod sa implementasyon ng naturang batas.
Mas marami kaya ang lumalabag sa anti-drunk, drugged law kaysa iba’t ibang uri ng traffic violation.
Lalo na’t kulang-kulang na ang gamit sa pagsukat sa content ng alak sa katawan ng driver na hinuli. Sasabihin lang ng kotong cops…amoy alak ka ha. E si lasenggo naman. Sir, konti lang naman nainom ko. Si pulis naman…paano ba ‘yan, may batas na tayo patungkol sa mga nagmamaneho nang nakainom o lasing?
Kaya ayos na naman ang buto-buto ng Mamang Kotong cops. Tiba-tiba na naman si kolokoy pati na ang kanilang hepe na nagbibigay ng “quota” sa kanila.
Sa estilo ng ‘tadong kotong cops, mahihirapan ang gobyerno na sugpuin ang mga driver na mahilig magmaneho nang lasing o nakainom. Yes, wala naman nalalasing na Filipino, naka-inom lang daw.
Sana sa pamamagitan ng batas na ito na sisimulan sa Huwebes ang implementasyon ay tuluyan nang mawala sa lansangan ang drunken drivers o sana’y wala nang aksidenteng mangyari sa lansangan na kinasasangkutan ng mga lasenggo.
***
Para sa inyong komento, suhestiyon at reklamo, magtext ang sa 09194212599.