56 BIFF patay sa all-out offensive ng AFP
hataw tabloid
March 10, 2015
News
UMABOT na sa 56 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napatay mula nang ilunsad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang all-out offensive laban sa grupo.
Ito ang kinompirma ni Brig. Gen. Joselito Kakilala, tagapagsalita ng AFP.
Bukod dito, 33 na ang nasugatan at may hawak na apat ang mga awtoridad na agad nai-turn over sa pulisya at binigyan ng karampatang atensyong medikal. Kakasuhan ang apat na miyembro ng BIFF.
Kabilang sa mga napatay ang apat na miyembro ng rebeldeng grupo na namatay sa opensiba nitong Sabado ng gabi.
Ani Kakilala, kinukompirma pa kung kabilang sa liderato ng BIFF ang mga napatay nitong Sabado na ang isa ay nakasuot ng uniporme ng Special Action Forces (SAF).
Bukod sa isang nakasuot ng uniporme ng SAF, may isa pang napatay na mukhang dayuhan at may taas na 5’8.
Sa panig ng gobyerno, apat na ang namatay habang 21 ang sugatan mula nang mag-umpisa ang operasyon laban sa BIFF.
Dayuhan kabilang sa napatay na BIFF
NAREKOBER na ng operating elements ng MBLT6 at MBLT8 ng 1st Marine Brigade ang bangkay ng apat na BIFF members na napatay sa labanan nitong Sabado.
Dakong 5 a.m. kamakalawa nang magsagawa ng clearing operations ang Marines.
Bandang 6:40 a.m. nang marekober ng mga sundalong Marines ang apat na bangkay ng BIFF kabilang ang isang foreign looking terrorists na kahawig ni Muhammad Ali alyas Abdul Rahiman at Mauiya na isang high value target, isang Singaporean national na mayP500,000 patong sa ulo.
Si Mauiya ay miyembro ng Jemaah Islamiyah terrorists.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Lt Col Harold Cabunoc, kompirmadong may foreign looking na napatay ngunit kanila pa itong vina-validate.