Monday , December 23 2024

Trillanes nanguna kontra K-12 ng DepEd

030915 FRONTPINANGUNAHAN ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV, ang pambihirang pagkakaisa sa isang pagkakataon ng mga guro, iba’t ibang samahan sa akademiya at mga kawani sa sektor ng edukasyon, katumbas ng pagkakaisa ng mga magulang, mga unyon at iba pang kasapi ng organisadong sektor ng paggawa, upang tumayong mukha ng lumulobong panawagan sa pagpapaliban ng implementasyon ng K-12 program ng gobyerno.

Ayon kay Trillanes, kilalang kritiko ng K-12 Program noong nasa hapag pa ng deliberasyon ng Senado ang panukalang naisabatas bilang Republic Act 10533 (K to 12 Law) na nagbunsod sa lubusang pagkakatatag nito: “Nagsagawa na ang inyong lingkod ng review sa ginagalawang mga polisiya ng usaping ito. Sinangguni na rin natin ang mga may pakialam, may kinalaman at magiging apektado. Ito ay upang personal kong matunghayan kung ako ay nagkamali sa aking mariing pagtutol sa pagsasabatas ng programang ito,” ayon sa Senador.

“At base roon, kasama ang mga obserbasyong nakalap sa ating pag-iikot sa mga eskwelahan sa malaking bahagi ng bansa, lumalabas na hindi handa ang Filipinas para sa K-12. Sa halip, mas nararapat tawagin ang programang ito na K minus 12 (K-12) dahil sa mga problemang nakikita rito: Kakulangan sa pondo; kakulangan sa kagamitan; kakulangan sa classroom; kakulangan sa guro; kakulangan sa plano; kakulangan sa panahon upang paghandaan ang implementasyon; kakulangan sa impormasyon lalo na sa mga maaapektohan sa malalayong lugar; kakulangan sa konsultasyon sa mga tunay na maaapektohan ng programa; kakulangan sa koordinasyon sa ibang sangay ng gobyerno at pribadong sektor; kakulangan sa oportunidad para sa mga high school na agarang kailangan makahanap ng trabaho; kakulangan sa kakayahan ng mga magulang na magpaaral pa ng dagdag na dalawang taon sa high school; at kakulangan sa puso.”

Ibinunyag din ng mga miyembro ng Coalition for K-12 Suspension, kasama ang Council of Teachers and Staff of Colleges and Universities in the Philippines (COTESCUP), ang kawalan ng sistematikong mga hakbang upang gawing sapat ang kahandaan ng lahat ng may kaugnayan sa pagsasakatuparan ng bagong sistemang batbat ng kontrobersiya.

Ayon kay Professor Rene Luis Tadle, Presidente ng Coalition, nabuo umano ang koalisyon dahil, ayon kay Tadle, “ipinakita  ng  resulta  ng  aming mga konsultasyon sa maraming bahagi ng kapuluan na hindi pa handa ang sistema ng ating edukasyon para sa programang ito.”

Bukod sa magiging “dagdag-pasanin sa mga gurong hindi sapat ang kita” ng mga tungkuling nakakabit sa pagpapatupad ng nasabing programa, ibinunyag din ng propesor na karamihan sa mga eskwelahan sa bansa ay walang sapat na bilang ng mga silid-aralan at iba pang pasilidad na magbibigay-daan sa “bugso ng karagdagang bilang ng mga estudyante na kahihinatnang-bunga ng programang ito.”

“Kung hindi man halos lahat, karamihan sa hanay ng mga magulang, ang nangangapa at walang alam sa mga detalyeng nakapaloob sa bagong programa, sampu ng mga nakasampa ritong abala’t pasanin na bigla na lang iaatang sa kanila bilang dagdag-pabigat.”

Sa manifestong ipinamahagi, pangunahing batayan ng koalisyon sa panawagang suspension sa implementasyon ng programa ay “kabiguan ng pamahalaan na bigyan ng kaukulang proteksyon ang mga obrero sa sektor ng edukasyon” na 56,771 sa 111,351 guro sa kolehiyo at 22,838 non-teaching staff ang nanganganib mawalan ng trabaho dahil sa nakikinikinitang biglaang pagbaba ng bilang ng “college enrollees” pagtuntong ng Academic Year 2016-2017 sa kalagitnaang bahagi ng susunod na taon.

Inihahanda na ng koalisyon ang pagsasagawa ng malawakang “information campaign” sa buong bansa, na palalakasin sa isang malaking protesta na gagawin sa May 09, sa Luneta Park sa Maynila. Sila ay nakatakda rin maghain ng petisyon sa Korte Suprema para sa pagpapatigil nito.

“Kailangan nating pagsumikapang ihayag ang ating pinag-isang saloobin, sa paraang malinaw, malakas at makatuwiran, hanggang marinig tayo ni PNoy at ng Supreme Court. Kaisa ako ninyo sa layuning iparating sa kanilang kabatiran na hindi kailangan ng ating bansa ang K-12 Program at hindi kaya ng taumbayan ang pasakit na dulot nito,” diin ni Trillanes.

“Ang kasalukuyang sistema ay gumana sa mga naunang henerasyon kaya wala akong nakikitang dahilan para hindi ito gumana sa mga kasalukuyang estudyante. Kailangan lang nating tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan, guro, silya, at libro; at itaas ang sahod ng mga guro.”

Sa ilalim ng K-12 Program daragdagan ng dalawang taon “Senior High School” ang kasalukuyang sistema ng Primary Education. Nakapaloob din ang pagpasok ng mga mag-aaral sa Kindergarten at 12 taon basic education – anim sa primary education, apat na taong Junior High School, at dalawang taon sa Senior High School.

Inaasahang may angkop nang kaalaman at sapat na kasanayan ang mga mag-aaral sa pagtatapos ng Senior High School hinggil sa kanilang napiling larangan o karerang tatahakin. Kabilang ang academic; technical-vocational-livelihood; at sports and arts. Ang Academic track ay kinabibilangan ng tatlong bahagi: ito ay Business, Accountancy, Management (BAM); ang Humanities, Education, Social Sciences (HESS); at ang Science, Technology, Engineering, Mathematics (STEM).

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *