14 BIFF patay 9 sundalo sugatan sa Maguindanao
hataw tabloid
March 8, 2015
News
COTABATO CITY – Magdamag na nagpalitan ng putok ang puwersa ng militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao.
Pinasok ng Philippine Marines at Philippine Army ang kuta ng BIFF sa bayan ng Datu Piang, Datu Salibo at Datu Saudi Ampatuan Maguindanao.
Dahil sa dami ng mga rebelde, gumamit ang militar ng dalawang M520 attack helicopters, 2 Layang fighter jet at isang Sokol chopper para bombahin ang posisyon ng BIFF.
Nakubkob ng mga tauhan ng Ist Marine Brigade Landing Team (MBLT-1) ang dalawang kampo ng BIFF sa Brgy. Dabinayan at Liab, Datu Piang, Maguindanao.
Kaugnay, nito sinabi ni 6th Infantry (Kampilan) Division Public Affairs Chief Captain Jo-Ann Petinglay, apat na kasapi ng BIFF ang nahuli ng militar na kinilalang sina Aladin Panaydan, 22; Daud Balogat, 23; Ebrahim Oraw, 40; at Abdul Madalidaw, 33, nakuha mula sa kanilang posisyon ang iba’t ibang uri ng armas at kagamitan sa paggawa ng bomba.
Dahil sa pinalawig na all out offensive operation ng militar laban sa BIFF, mas tumaas pa ang bilang ng mga sibilyan na nagsilikas mula sa mga apektadong bayan ng Maguindanao.
Umaabot na sa 14 ang napaty sa BIFF, apat ang nahuli at siyam ang sugatan sa mga sundalo kabilang na ang isang opisyal ng Philippine Air Force na piloto ng Huey chopper na tinamaan ng sniper ng BIFF.
2 sundalo patay sa ambush sa Agusan Sur
PATAY ang dalawang sundalo makaraan tambangan ng hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Brgy. San Patricio, La Paz, Agusan del Sur kamakalawa.
Kinilala ang mga biktimang sina Private First Class (PFC) Rene Lasaga at PFC Vick Aron ng 26th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ayon kay Lt. Col. Rolando Dumawa, sakay ng motorsiklo ang dalawang sundalo nang harangin at pagbabarilin ng mga rebelde.
Pagdukot sa 2 guro kinondena ng Palasyo
IPINAUUBAYA ng Malacañang sa security forces ang pagtugis sa mga dumukot sa dalawang guro sa Brgy. Moalboal, Talusan, Zamboanga Sibugay kamakalawa.
Napag-alaman, ang mga suspek ay kasapi ng Abu Sayyaf group (ASG) mula sa lalawigan ng Sulu at Basilan.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, prayoridad sa operasyon ang kaligtasan ng mga biktima.
Ayon kay Valte, hindi katanggap-tanggap ang ganitong karahasan at panggigipit sa mga gurong nagsasakripisyo sa malalayong lugar.
Hindi aniya dapat mangyari ang ganito sa kanila dahil halos ibuwis na ang buhay para lamang makapagturo sa mga kabataan.
Sa ulat, sinabi ng Talusan municipal police station, isinailalim sa tactical interrogation ang kapatid ng isa sa mga suspek na kinilalang si Kapdul Hadjiula.
Sa himpilan ng pulisya, inamin ni Hadjiula na tatlo sa kanyang mga kapatid at tatlong miyembro ng ASG na nakabase sa Sulu at Basilan ang responsable sa pagdukot sa dalawang guro.
Kinilala ang tatlong magkakapatid na hinihinalang kidnapper na sina Naim Sabdani, Mansul Sabdani at Amadan Sabdani, pawang mga residente ng Brgy. Moalboal, Talusan.
Habang ang isa sa tatlong kasapi ng Sulu at Basilan based-ASG ay kinilala sa pangalang Edimar Isnain.