NAGPAHAYAG ng kahandaang tumalima sa utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang grupo ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) na ibaba ang singil ng pasahe sa jeep ngunit humirit na ibaba rin ang presyo ng ibang mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Ayon kay PISTON Sec. Gen. George San Mateo, welcome sa kanila ang anunsiyo ng LTFRB ngunit dapat ay kalampagin din ng gobyerno ang malalaking kompanya at manufactures na magbaba rin ng presyo ng kanilang mga produkto at serbisyo.
Kahapon, inianunsyo ni LTFRB chairman Winston Ginez ang P1.00 provisional rollback sa pasahe sa jeep sa Metro Manila at kalapit na probinsiya.
Ibig sabihin, mula sa dating P8.50 ay magiging P7.50 na ang pasahe sa unang limang kilometro ng biyahe ng jeep.
Habang ang mga estudyante at mga senior citizen ay P6.00 na lamang ang pamasahe.
Ang rollback ay bunsod na rin ng patuloy na pagbulusok ng presyo ng diesel.
Pinag-aaralan ng LTFRB Board ang posibleng pagbaba rin ng pasahe sa Region 3 at 4.
Para sa commuters, itinuturing itong maagang pamasko ng LTFRB lalo at marami ang bibiyahe nang paroo’t parito bilang paghahanda sa taunang okasyon.