ni Roldan Castro
BONGGA si Allen Dizon dahil nanalo na naman siyang Best Actor sa 3rd Hanoi International Film Festival sa Vietnam para sa pelikulang Magkakabaung/ The Coffin Maker. May cash prize rin si Allen ng US$3,000 .
Pangalawang best actor trophy na ito ni Allen sa mga international filmfest dahil kamakailan ay nagwagi rin siya sa 9th Harlem International Film Festival sa New York City para sa naturang pelikula.
“Second time around parang hindi nga ako makapaniwala,” reaksiyon niya nang maka-lunch namin siya sa Max Restaurant bago siya tumungo sa presscon ng New Wave Section presscon ng Metro Manila Film Festival dahil kasali ang Magkakabaung at iso-showing na sa bansa natin.
Kinabog ni Allen ang mga bigatin niyang kalaban sa naturang kategorya kagaya ni Ralph Fiennes sa pelikulang Two Women na entry ng Russia, ang popular na Korean actor na si Go Soo para sa pelikulang Way Back Home na entry ng Korea, ang award winning actor na ng India na si See Ruddin Shun para sa The Voiding Soul, pati na ang Vietnamese actors na sina Trung Anh para sa pelikulang The Children’s of the Village at si Tran Bao Son sa popular Vietnam main competition entry na Flapping In The Middle of Nowhere.
“Malaking bagay sa akin dahil bilang isang artista, panalo ka ng another international award. Nakakataba ng puso,” bulalas pa niya.
“Masaya. Unang-una maka-attend lang ng festival abroad parang napakalaking bagay sa akin,eh. ‘Yung mapasama ‘yung movie namin at ma-invite ka, satisfied na po ako roon. Pero dahil nanalo, mas masaya po ‘yung pagsali sa festival,” dagdag pa niya.
Sobrang nag-enjoy si Allen sa Hanoi International Film Festival at itinuring niyang the best sa mga napuntahan niya dahil sa rami ng activities.
“Okey din ang Toronto pero itong Hanoi, iba,eh,” sey pa niya.
Bukod kay Allen, nag-win din ang Magkakabaung ng Best Asian Film/Netpac Awards na tinanggap ng kanyang director na si Jason Paul Laxamana.
Ano bang mayroon sa Magkakabaung at humahakot ng awards?
“Siguro masyado lang siyang ‘suwerte’ tapos timely ‘yung pagkagawa. ‘Yun nga sabi ni Direk, iba ‘yung pagkagawa niya dahil hindi siya dramatic. Sa acting ko, unang-una, naging komportable ako dahil Kapampangan ‘yung lines tapos anak ko pa ‘yung artista. Malaking bagay sa akin kumbaga, roon pa lang kailangan kong maging consistent, eh. Kasi ‘pag medyo lumaylay ka sa ibang eksena, wala eh hindi ka mapapanisn, eh, handheld lahat so, ‘pag nagkamali ka take 2, kailangan balik, ganoon,” pakli pa niya.
Umaasa ba si Allen na mananalo rin siyang Best Actor sa New Wave Section ng MMFF dahil naipanalo na niya ng dalawang beses ito sa abroad?
“Hindi naman umaasa pero after na manalo ng dalawang beses..kumbaga gusto ko rin na ma-recognize sa sarili nating bansa, ‘di ba? At saka, kumbaga, puro Filipinong artista ang makakalaban mo, iba pa rin ‘yun. Iba pa rin ang feeling mo. Actually, mas napi-pressure nga ako ‘pag mga Filipino ang kalaban, eh! Kasi alam mo, mas magagaling ang nga Filipino, eh,” tumatawa niyang pahayag.
Samantala, nakatakdang gawin ni Allen ang pelikulang Daluyong (Storm Surge) katambal si Diana Zubiri mula sa panulat ni Ricky Lee at direksiyon ni Mel Chionglo. Gagawin din niya next year ang Imbisibol na nakatakdang i-shoot sa Japan kasama sina Bernardo Bernardo, Ces Quezada, at JM De Guzman. Ito’y sa direksiyon ni Lawrence Fajardo.