MULA sa pagiging isa sa producer ng BG Productions kasama sina Ms. Baby Go at Romeo Lindain, si Mario Marcos ay sasabak na rin sa pag-arte sa pelikula via Tupang Itim.
Ang kanilang movie company ang isa sa pinakaabala nga-yon na nakikilala na sa paggawa ng quality indie films na laging may advocacy sa kanilang pelikula… kabilang sa mga nagawa o gagawin nilang pelikula ang Lihis, Lauriana, Bigkis, Homeless, Child House, Daluyong, at ang Tupang Ligaw nga.
Sinabi ni Mr. Mario ang vision ng BG Productions. “Ang mabigyan ng tsansa ang actors natin at iba pang taga-industriya na may talents na hindi pa nae-expose. Ang vision namin is to create jobs and opportunity at ipakita sa ibang bansa ang ga-ling ng mga Filipino. At kahit na indie, quality films naman.”
Si Mr. Mario ay may experience sa acting, siya’y sportsman din at businessman. Konektado rin siya sa agricultural trading sa Bicol at oil tra-ding sa Bahrain. Plano rin ni Mr. Mario na pumasok sa politika someday.
Makakasama niya sa Tupang Itim sina Emilio Garcia, Charee Pineda, at iba pa. Gaganap siya rito bilang isang magiting na Marines. Hard action daw ito na magpapakita ng kakaibang martial arts na tinatawag na Penjack. Makikita rin sa pelikula ang pagiging gun enthusiast niya.
“Mapapansin sa pelikulang ito ang gun safety awareness. Makikita rito iyong skills ko sa martial arts at baril. Kasi ako, nagko-compete talaga. So, ipa-pakita rito yung advocacy natin sa baril, para makita rin ng mga manonood iyon. Kasi, sa dami ng hindi nakaaalam, kaya nagkakaroon ng aksidente ang ibang tao na may baril.
“Bukod sa grupo namin na Philippine Practical Shooting Association at International Defensive Practical Shooting Association, sa tingin ko ang mga sundalo natin ay susuporta rin dito. Dahil makikita sa movie ang image ng isang tapat na sundalo.”
ni Nonie V. Nicasio