HULI NA NANG AKYATIN NG MAGTIYAHIN AT NI EDNA SINA KARL AT SHANE HABANG GALAK NA GALAK ANG AMPON
Sa pasilyong patungo ng hagdanan sa itaas ng kabahayan ay nakasalubong ng tatlong babae ang batang si Tony Boy. Tuwang-tuwa itong nagtatatakbong palukso-lukso. Buong-buo ang tinig sa paghalakhak. Dumadagundong iyon.
Nakahandusay na noon si Shane sa sahig, duguan ang kaliwang dibdib sa pagbaon ng bala ng baril na 9 mm.
Bahagya man ay wala na itong kakilos-kilos. Patay na! Nakaluhod sa tabi nito ang asawang si Karl – may hawak na plastik na galon. At umaalingasaw na ang amoy ng gasolinang ipinaligo sa sahig at mga dingding sa buong paligid.
Napahinto sa pagtakbo si Edna. Napaatras ang magtiyahin na na-kabuntot sa kanya. Nagsindi kasi ng lighter si Karl. Ibinato iyon sa sahig na basambasa ng gasolina. Kagyat na nagliyab ang apoy. At mabilis na kumalat ang lagablab niyon.
Lalong ikinagimbal ng dalagang guro at ng kasama niyang magtiyahin nang itutok ni Karl ang hawak na baril sa sariling sentido. Walang pangimi nitong kinalabit ang gatilyo ng 9mm. Bang! At tumimbuwang sa tabi ng asawang si Shane na nagsisimula nang lamunin ng nagngangalit na apoy.
Dali-daling nagtakbohang palabas ng bahay si Edna at ang magtiyahin na nagsusumigaw sa pag-iyak. Sa makalabas ng bakuran ng tirahan ng mag-asawang Karl at Shane ay taranta nang nagkakagulo ang mga tao.
“Sunooog!” ang hiyawan ng magkakapitbahay. (Itutuloy)
ni Rey Atalia