MULING ipakikita ni Mon Confiado kung gaano siya kaseryoso bilang actor sa pelikulang In Darkness We Live na mula sa pamamahala ni Direk Christopher Ad Castillo.
Bida ulit dito si Mon, pero ayon sa versatile na aktor, hindi kaso sa kanya kung siya man ang lead actor sa isang pelikula o kapiraso lang ang eksena niya. Dahil laging todo-bigay daw siya sa bawat hinihingi ng kanyang trabaho.
“Wala sa akin kung bida man o hindi. Basta ang puso ko nasa pelikula. Pareho lang ang level ng aking nararamdaman regardless kung ako iyong lead or isang eksena lang ako sa pelikula.
“Sa akin, laging pareho lang ang level ng excitement at effort sa lahat ng project, parehong-pareho. Wala pa akong ginawang pelikula na hindi ako na-excite.”
Inusisa rin namin kay Mon kung ano’ng klaseng pelikula ito. ”It’s a psycho-thriller-slasher film. Kasama ko rito sina Alex Medina, Jerald Napoles, Gloria Sevilla. Si Imelda Schweighart yung leading lady.
“Medyo malalim ang story nitong film. Mga bank robbers kami na tumakas at magtatago sa isang probinsiya. Pero eventually, naligaw kami at naubusan ng gas. Napadpad kami sa isang forest at ginabi, hanggang makakita ng isang bahay.
“Pero sa gabing iyon, ayon sa myth ay may parating na kung ano para manguha ng kaluluwa. Doon kami magkakagulo-gulo dahil sa sarili naming mga multo sa isip.”
Kasali ang pelikulang ito sa QCinema International Film Festival na gaganapin sa Trinoma Mall at ayon kay Mon ay matindi ang sex and violence rito.
“Sex and Violence ang tema nito. sobrang madaming dugo. Kaya definitely hindi pambata. Wala pang rating, kasi ay pang-QCinema International Film Festival ito. Depende sa final cut ni Direk Chris Ad Castillo. Pero kung paano namin ito shinoot at kung mayroon mang Director’s Cut, for sure X-Rated ito dahil sa violence.”
Bukod sa In Darkness We Live, tapos na rin ni Mon ang mga pelikulang bida siya tulad ng Gemini ni Direk Ato Bautista na kasali sa MMFF New Wave, El Peste Romansa ni Direk Richard Somes, at Ang Pirata ni Direk Jon Red.
Bahagi rin si Mon sa casts ng Heneral Luna ni Direk Jerrold Tarog, Bonifacio ni Robin Padilla, Fengshui 2 ni Direk Chito Roño, at Saranghaeyo ni Direk Roman Perez.
ni Nonie V. Nicasio