BINIGYAN ng ultimatum na hanggang nakaraang Lunes (October 20) na lamang ang mga taga-MIAA Cooperative para hakutin palabas ng Arrival lobby sa NAIA Terminal 1 ang kanilang wala pang isang pulgada at halos isang dangkal na lapad na counter ng Globe/Smart Cellphones loads/Sim Cards counter.
Ito ay sakaling hindi magkasundo ang MIAA management at MIAA Coop sa gusto ng una na magbayad ng upa sa gakulangot na puwesto.
Hinaing ng taga-Coop, gusto ng MIAA na magbayad sila ng 20% ng gross income nila every month bilang renta sa napakaliit na espasyo.
Sa panig ng Coop, bakit sila sisingilin ng ganoon samantala ang kanilang pinagsisikaping kitain ay pera naman ng mga empleyado na miyembro ng MIAA Coop at hindi naman mga outsiders o masasabing others.
Binigyang-diin nila, na mukha umanong hindi na nagiging makatao at hindi na rin maka-Diyos ang mga patakaran na ipinatutupad ng kung sino man ang nagpapa-bright-bright na MIAA official na pati ang konting pakinabang ng mga empleyado na hindi naman galing sa masama ay pagtripan pa ng mga power trippers ng NAIA.
Oo nga naman. Wala na nga silang tinatanggap na benepisyo tuwing Pasko ay tatanggalan pa ng konting dibidendo.
How cruel naman!
Wala na ba kayong maisip na puwedeng pagkaperahan? Pati ba naman maliliit na manggagawa ng paliparan ay hindi pa ninyo mapagbigyan sa napakasimpleng bagay?
Doon na lang kayo sa advertisers o kay Simon Wong bumawi?!