BURUKRATIKO ang kapalpakan ng rehabilitation plan para sa mga biktima ng bagyong Yolanda lalo na sa Tacloban.
Mismong si Pangulong Benigno Aquino III ay inamin na masyado silang nag-iingat alinsunod sa itinatakda ng batas kaya natatagalan silang ipatupad ang masasabi nating ‘long overdue rehab plan.
Ayaw umano niyang magkaroon pa ng demandahan pagkatapos ng mga proyekto sa ilalim ng programang rehabilitasyon.
Alalahanin natin na magno-Nobyembre na naman pero hanggang ngayon ay marami pa rin tayong naririnig na napabayaan sila ng gobyerno at hanggang ngayon ay wala pa rin silang bahay na tinitirahan.
Sabi nga ni PNoy, siya mismo ay hindi masaya sa nangyayari nga-yong rehabilitasyon sa Yolanda victims — sa mga tao at sa mga lugar.
Ang inilalaang P150-bilyones budget para sa pabahay ay hindi pa ina-aprubahan ng Pangulo dahil gusto niya umano ay ‘specific.’
Ilan, gaano kalaki, magkano, saan, kanino at kailan matatapos ang pabahay.
‘Yan umano ang ginagawa ngayon ng Pangulo para siguradong ma-pupunta sa mga tamang tao ang pabahay sa ilalim ng Yolanda rehabilitation plans and program.
Dito naman natin hinahangaan si PNoy.
Inaamin niyang plapak sila sa Yolanda rehab plan.
Mismong siya, na isang Pangulo ay nahihirapang gamitin ang kanyang kapangyarihan para mapabilis ang rehabilitasyon.
Ang malungkot lang dito, bakit kapag para sa mahihirap nating mga kababayan ay kinakailangan dumaan sa pasikot-sikot na rekisitos ng batas?!
Agosto pa ipinasa ang rehabilitation plan, siyam na buwan matapos ang pananalasa ng daluyong ni Yolanda. Sa Nobyembre 9, mag-iisang taon na ang Yolanda, pero mukhang ipinahihimay pang mabuti ng Pa-ngulo kung paano at saan gagamitin ang P150 bilyones.
Tabi-tabi po, magtatanong lang po — gaano ka-specific po ba ang gusto ninyong makita mahal na Pangulo?!
‘Yun bang tipong ilang pako mayroon sa isang kilo at kung ilang pako ang gagamitin sa kabuuan ng rehab plan?!
Tayo naman po ay nagtatanong lang.
Rehab czar ex-senator Panfilo ‘Ping’ Lacson mababa na ang moral at gusto nang mag-resign?
DESMAYADO na raw talaga at nag-iisip nang mag-resign si ex-Senator Panfilo Lacson bilang Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (PARR).
‘Yan daw ay dahil sa limitadong kapangyarihan na ibinigay sa kanya bilang rehab czar.
Ang tawag nga raw ngayon ni rehab czar Ping sa kanyang sarili ay ‘superman without power.’
Aniya, “I don’t have implementation authority, I don’t have a budget, three consultants under government payroll, no capital outlay, no MOOE …”
Parang ang nangyari tuloy, pinagawa lang ng rehab plan si ex-Senator Ping bilang rehab czar tapos binusising masyado ng Pangulo bago aprubahan?!
At habang hindi pa naaaprubahan, ‘yung mga biktima bahala na munang magpakalat-kalat kung saan-saan?!
O kaya bahala muna silang sumabit sa mga private organization o non-government organizations (NGOs) na nakikisawsaw sa rehab plan?!
Ganoon ba ‘yun?!
Considering na si ex-PNP chief and ex-Senator Ping Lacson ay hindi sanay sa ganyang klase ng operasyon ‘e nauunawan natin kung bakit parang gusto na niyang mag-resign.
Hindi rin natin masisisi si ex-Senator Ping dahil kilala naman ng madla kung paano siya magtrabaho.
Hindi siya sanay na siya ay parang robot na sinusususian … siguro dapat ipaalala ni ASec. este Undersecretary (for PNoy’s happiness) Rey Marfil kung anong klaseng public servant si ex-senator Ping.
‘Di ba USec. Marfil?!
Modus ng pagpupuslit ng indian national nasakote sa NAIA T-3
ITO pa ang isang ‘henyo’ raket ng ilang tulisan sa airport pero sorry na lang kasi nabisto na ang matagal na kawalanghiyaan nila.
Isang Indian national na nagkunwaring empleyado ng isang kompanya ang nasakote ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (BI-NAIA) T3.
Nakaraang linggo, nabulgar ang ilegal na pagpasok sana ng isang Indian national na nagpanggap pa na NAIA employee.
Peke rin ang visa na nakompiska sa nasabing dayuhan.
Kinilala ng BI ang Indian national na isang Sevah Singh, dumating sa bansa sakay ng Cathay Pacific flight CX912 mula Hong Kong bago mananghali dalawang Martes na ang nakararaan.
Nagdere-deretso si Singh sa personnel exit sa NAIA Immigration area pero nasabat at nasita nina Immigration officers (IO) Arneliza Parungo at Jeathone Largo nang mapansin nilang kakaiba ang ikinikilos.
”Nakita siyang nakasuot ng pekeng Airport ID at reflectorized vest, gaya sa isinusuot ng air traffic controllers,” anang taga-BI.
Binati at tinanong ng dalawang IO ang kambing ‘este Bombay kung tapos na ang trabaho niya pero hindi makasagot kaya nagduda sila at nilapitan. Laking gulat ng dalawang IO dahil Bombay pala ang kamoteng naka-disguise.
Sa imbestigasyon, nabatid na si Singh ay ini-eskortan ng isang dating Cebu Pacific Air employee na kinilalang si Ronnie Ballesteros.
Napansin agad ng BI na walang arrival stamp ang pasaporte ni Singh at peke ang entry visa.
Nang masabat si Singh, natuklasan ng Immigration officers na ang kanyang Philippine visa ay peke rin, kaya pala tinangka ni-yang iwasan ang Immigration.
Buti na lang at agad nasakote si Singh ng matatalas na Immigration official.
No 2nd term sa presidency, Iba Naman!
SIR JERRY, isa po akong nagbabasa sa column n’yo, sang-ayon po ako na wala nang 2nd term ang pangulo. kapal naman nila wala naman c lang na2lung sa mahihirap na 2lad naming mga vendors dito sa CDO., dapat magpahinga na cya hayaan ung iba namuno! CDO +63936748 – – – –
Pulis at mayor tongpats sa ilegal na droga
MAGANDANG araw sa inyo gusto ko lng ipa-alam sa iyo na d2 sa bayan ng OTON ILOILO talamak na ang droga at sugal kc ang pulis may patong na 30k at ang mayor ay 80k galing kay MR. BOYET O—— alyas DRAGON kada buwan. Salamat sana maimbistigahan ng PNP at DILG +6391513 – – – –
Illegal toll fee sa Northville 6 Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan
GOOD day po, Sir Jerry! Parating ko lang po itong report ko hinggil sa pagpapatupad at pangongolekta ng toll gate ng pamunuan homeowner’s association ng Northville 6, dito sa Brgy. Santol bayan ng Balagtas, Bulacan na pinamumunuan ng kanilang Pangulo Melencio dela Cruz at Pang. Pangulo Carmen Mina. Lahat ng sasakyan na pumapasok sa nasabing relocation site ay hinihingan nila ng toll gate ng halagang P20 pag jeep o truck at P10 naman sa mga tricycle at motorsiklo. Itong ipinapatupad ba na ito ay nasa kaalaman ba ng aming Mayor Romeo Castro? At saan naman ba napupunta ang mga nakokolekta nilang toll gate +6393230 – – – –
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
Jerry Yap