NAKAIINGGIT talaga ang mga Hapon. Kapag ang isang opisyal ng kanilang gobyerno ay inaakusahan o iniimbestigahan sa katiwalian, ora mismo ay nagre-resign sila sa kanilang tungkulin.
Hindi dahil sa guilty na sila kundi para bigyang laya ang imbestigasyon at hindi masira ang departamento nilang pinamumunuan.
Katulad ng Economic, Trade and Industry Minister nilang babae na si Yuko Obuchi. Kaagad siyang nagpahayag ng resignation nang akusahan siya ng maling paggamit ng political funds, kabilang na ang pamimigay ng tiket sa sinehan at pagbili ng makeup para sa kanyang supporters.
Simpleng akusasyon lang ito, pero nagbitiw si Obuchi. Dahil naapektohan daw ang kanyang trabaho at kailangan niyang tutukan ang imbestigasyon sa kanya.
Banzai!
Sa South Korea naman, nagpakamatay ang isang concert planner nang magkaroon ng trahedya sa kanilang inorganisang konsiyerto na maraming manonood ang nasawi.
Nakonsensya at hiyang-hiya raw kasi ang concert planner kaya minabuti niyang wakasan na lang ang kanyang buhay para wala nang iba pang madamay.
Dito sa atin sa Pilipinas, buking na lahat-lahat ang ginawang kawalanghiyaan ay kapit-tuko pa rin
sa puwesto, sila pa ang matapang at may balak pang maging Pangulo! Pwe!
Kapag ganito ang ugali ng ating mga opisyal, lalo ng mga halal, walang mangyayari sa ating gobyerno.
Kaya ang panawagan ko sa ating mga kapwa botante, sa darating na halalan, huwag na nating iboto ang mga politiko na tadtad ng kaso ng katiwalian.
Period!!!
Pag naging presidente si Binay…
Sabi kahapon ni Ted Failon sa kanyang programa sa Teleradyo ABS-CBN/DZMM, kapag naging presidente si Vice President Jojo Binay, malamang na dominahin ng kanyang pamilya pati ang kongreso.
Kasi nga, si VP Binay ay may anak na senador at kongresista at mayor…
Hindi aniya imposible na kapag naging presidente si Jojo ay maging Senate President naman si Senadora Nancy Binay. At ang kanyang anak namang si Congresswoman Abby Binay ay maging House Speaker. Pwede!
Bukod pa rito, ang isa pang anak ni VP Binay na kasalukuyang alkalde ng Makati City na si Junjun ay maaari naman maging DILG Secretary…
‘Pag nangyari ito, wala nang makagagalaw pa sa pamilya Binay. Kahit ano pa ang kanilang gawin sa bansa. Lalo na kapag nakontrol nila pati ang Judiciary.
Oo, kapag nakontrol na ng pamilya Binay ang Senado at House of Representatives, madali na lang nilang ipa-impeach ang sino mang Supreme Court Chief Justice o Justices o Ombudsman kapag hindi pumabor sa kanilang kagustuhan. Getz n’yo?
Tapos ang iniimbestigahan ngayong mga katiwalian sa proyekto sa Makati City na kinasasangkutan ng pamilya Binay ay malamang na malusaw na lang na parang sabon. Ito ang worst scenario kapag nagkataon…
Kaya dapat ay maipasa na ang Anti-Dynasty Bill sa lalong madaling panahon…
Footbridge sa Baclaran-Roxas Blvd. puno ng vendors
– Gud day. Ireklamo ko lang po ang sobra nang pagtitinda dito sa footbridge sa Baclaran-Roxas Boulevard. Halos kapiraso na lang po kasi ang nadadaanan. Samantala sa ibaba naman parang may estasyon ng pulis o MMDA. Mga bulag po ‘ata sila?
O may ‘tong’ sa kanila ang mga nagtitinda sa taas ng footbridge? – 09496619…
Paging MMDA Chairman Francis Tolentino: Hindi ba ipinagbabawal ninyo ang vendors sa ibabaw ng footbridges? Aba’y ano itong reklamong ito? Paki-check lang po…
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!:
JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg.,
Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil.
Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add:
Joey Venancio