MAHIGPIT at patuloy na pinamamanmanan ni Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BoC-NAIA) Collector Ed Macabeo, ang sindikato na gumagamit ng pekeng Customs receipt para sa pagre-release ng kargamento.
Matagal na niyang ipinag-utos sa CIIS at ESS NAIA na i-monitor at hulihin ang mga tulisan na gumagamit ng pekeng resibo sa mga customs NAIA bonded warehouse.
Noong nakaraang Biyernes (Oktubre 10) nagresulta ang matagal na surveillance at monitoring ng BOC-NAIA. Isang teenager na babae (boyish look) ang naaresto ng CIIS sa pamumuno ni Intel Officer Joel Pinawin dahil nga sa paggamit ng pekeng Customs receipt.
Nangyari ito sa Pair cargo nang ipresenta ng teenager ang pekeng resibo bilang kabayaran ng duties & taxes sa isang cargo shipment.
Dahil alam na peke ang resibo, agad tinawag at inalarma ng isang lady customs supervisor ang CIIS at customs police.
Agad naman dinampot ng CIIS at Customs Police ang teenager at iniharap kay NAIA customs district collector Ed Macabeo para sa disposition.
Labis ang pagkagalit ni Coll. Macabeo nang makita niya ang teenager kahit nakaramdam siya ng labis na kalungkutan at pagkadesmaya dahil naalala daw n’ya ang anak na OFW.
Nang tanungin ni Collector Macabeo ang teenager kung bakit niya nagawa iyon, sinabi nito na ”sir napag-utusan lang po ako” at saka umiyak nang umiyak.
Pero ayon sa mga customs police, ang teenager ay inutusan ng kanyang tiyuhin na isang broker.
Agad na iniutos ni Collector Macabeo sa Customs Police na tugisin ang iba pang responsable sa paggamit ng pekeng Customs receipt.
Kasunod ang pagsasampa ng kaso ng BOC-ESS-NAIA sa piskalya ng Pasay laban sa teenager.
Pinuri ni Collector Macabaeo sina CIIS NAIA OIC Joel Pinawin, ESS NAIA chief Capt. Reggie Tuason at Lt. Sherwin Andrada at kanilang mga tauhan sa matagumpay na pagkakasakote sa sindikato na gumagamit ng pekeng resibo sa mga bodega.
“Hindi tayo mangingimi na kasuhan at ipakulong ang sindikatong ito. Kaya mas mabuti na itigil at lumayas na sila sa Customs NAIA,” ani Collector Macabeo.