MUKHANG mayroong pangangailangan ang Department of Transportation and Communications (DoTC) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na busisiin ang Busuanga airport na ipinangalan pa sa tatay ng wanted na mag-utol na sina dating Palawan Governor Joel Reyes at dating Coron Mayor Mario Reyes — ang Francisco Reyes Airport (FRA).
Kahanga-hanga ang wonders of nature sa Palawan lalo sa Busuanga at Coron islands. Talagang sabi nga, ‘e malapit na malapit ka sa Dakilang Manlilikha kapag nakita ninyo ang buong kapaligiran nito lalo ang lawak ng karagatan.
Pero nakapanghihinayang ang mga lugar sa Busuanga dahil sa Airport pa lang ‘e mabubuwisit na talaga ang dayuhang turista o lokal man.
‘Yun bang kapag nagpunta ka sa lugar na ‘yan ay hindi mo na paplanohin na pumunta ulit.
Pagbungad na pagbungad pa lamang ‘e parang isang barn o bodega ang itsura ng Busuanga airport.
Lalo na kapag nakapasok sa loob, kitang-kita na salat na salat talaga sa equipment.
Walang X-ray, mano-mano ang checking sa bagahe ng mga pasahero ng mga tauhan ng DoTC-OTS, iisa ang hand-held metal detector kaya kamay na walang gwantes gamit nila sa body frisking.
Huwag na huwag rin kayong maji-jingle o kahit pabalat-bungang paggamit ng comfort room ay huwag ninyong tatangkain dahil wala kayong ‘comfort’ na mararanasan.
Excuse me po, pero “yucky” talaga ang panggigitata ng comfort room nila .
Ang inodoro at lababo ay naninilaw sa dumi at sira pa ang gripo.
Mahihiya ang slogan na “It’s more fun in the Philippines” kapag nakita ninyo ang mga comfort room sa nasabing airport sa Busuanga.
Kung makaramdam naman ng kalam ng sikmura ang pasahero, makikita mo ang isang maliit na kiosk na animo’y sari-sari store. ‘Yun lang at wala nang iba.
Kapag nag-check-in ka sa airline counter naku pentel pen ang pansulat sa boarding pass mo.
Ito ang mas matindi, walang AIR-CON ang airport nila!
Mga cooling fan lang na kapag maraming pasahero sa departure pre-boarding area ay napakaalinsangan!
Talaga naman nakakukunsumi sa napaka-remote na sistema sa Busuanga airport.
Ngayon tayo lubusang naniniwala na walang napala ang mga taga-Palawan sa Malampaya fund.
Ultimo ang pinagkukunan nila ng koryente para sa komunidad ay mula sa mga kooperatiba na salat na salat din ang kaalaman kung paano palalakasin ang ‘power’ para makaranas ng komportableng pamumuhay ang mga Palaweño.
Nakalulungkot na ang Palawan ay pinagsasamantalahan lang din ng mga politiko at bihirang-bihira ‘yung may tunay na may malasakit sa ‘paraisong’ nilikha ng Diyos sa gawing ito ng mundo (Filipinas).
CAAP Director General William Hotchkiss, nakapasyal ka na ba sa Busuanga airport?
Subukan n’yo kaya at isama n’yo na rin si Deputy Director Capt. John Andrews!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com