TIYAK na maghahanap na ng bagong amo ang mga opisyal at politikong tagasuporta ng anak ni Tita Cory.
Ito ang resulta ng nakalipas na Pulse Asia survey na malinaw na lumabas na ayaw nang bigyan ng sambayanan ng pangalawang termino si Pangulong Benigno Aquino.
Kitang-kita sa survey na isinagawa noong ikalawang linggo ng Setyembre, na sa 10 Pilipinong tinanong ay lumabas na anim katao ang nagsabing enough na ang PNoy presidency at kailangan niyang lisanin ang Malakanyang sa 2016.
Mababanaag din sa resulta ng naturang survey na mas gustong sumugal ng mga Pilipino sa isang bagong liderato kaysa manatili ang anak ni Tita Cory sa pwesto.
Ipinakita rin sa Pulse Asia result na ayaw din ng mga Pilipino na charter change o pag-amyenda sa Saligang Batas ng bansa dahil nakakuha rin ito ng 62 percent na pag-ayaw.
Malinaw din na sobra na ang galit ng mga taga-Luzon at Metro Manila sa kasalukuyang liderato dahil dito nakakuha ng mas mataas na porsiyento ng pag-ayaw sa ikalawang termino ni PNoy.
Sa survey, lumalabas na umabot sa 67 hanggang 71 porsiyento ng taga-Luzon at Metro Manila ang ayaw nang bigyan ng ikalawang termino ang pangulo.
Napag-alaman din na halos lahat ng socio economic classes ng mga Pilipino ang nagkakaisa na hindi na dapat bigyan ng second term ang pangulong nagpasimula ng DAP.
Kung nagsalita na ang mga boss ni PNoy ay tiyak nang magkakaroon ng sekretong pagkilos sa panig ng mga politiko at opisyales ni PNoy dahil kailangan nila ng bagong among masasandalan at masusulingan.
Kaya nga nauso ang balimbing sa ‘Pinas dahil kilalang mas prioridad ng ating mga politiko ang pansariling interes kaysa kapakanan ng taumbayan.
Kaabang-abang ang mga drastikong pagkilos sa politika sa bansa at iyan ang ating susubaybayan dahil kung humihina na si VP Jojo Binay sa madla ay kanino na susuling ang mga politikong nais makasigurado.
Alvin Feliciano