PATAY ang isang 33-anyos hinihinalang tulak ng droga makaraan barilin sa ulo nang mabigong i-remit ang P3,000 utang sa kinuhang droga kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Binawian ng buhay habang isinusugod sa Gat Andres Bonifacio Medical Center ang biktimang si Francis Santosidad ng 209 Matiisin Street, Tondo.
Habang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek na si Winefredo Vegas, alyas Emcee, kaswal lamang na naglakad palayo sa lugar makaraan barilin ang biktima.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO3 Rodeloo Lingcong, naganap ang insidente dakong 8:40 p.m. sa Mabuhay at Matiisin Streets, Tondo.
“Kilalang pusher sa lugar ‘yung victim at bago ang insidente nagkaroon ng pagsasagutan ang dalawa, me pera pa yatang hindi naii-remit ‘yung victim,” ayon kay Lingcong.
Sinabi ni Mary Ann Santosidad, asawa ng biktima, nagsigawan ang dalawa dahil hindi nai-remit ang drug money na nagkakahalaga ng P3,000.
Sa puntong, bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima.
(LEONARD BASILIO)