HINAMON ngayon ni Atty. Renato Bondal si Vice President Jejomar Binay, Jr., na ilabas sa publiko ang listahan ng ari-arian at kayamanan ng kanyang pamilya bilang bahagi ng lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno na pinaghihinalaang sangkot sa katiwalian.
“Mabuti naman at tinatanggap ni Vice President Binay ang alok na sumailalim ang kanyang pamilya sa lifestyle check. Pero hindi sapat ang salita lamang, kailangan niyang isapubliko ang SALNs (Statement of Assets, Liabilities and Net Worth) ng kanilang pamilya,” ani Bondal, lead convenor ng United Makati Against Corruption (UMAC).
Sinabi ni Bondal na maaaring isumite ni Vice President Jejomar Binay, Sr., ang SALN niya at ng kanyang pamilya sa Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa mga katiwaliang nagaganap sa Makati.
“Hindi madali sa ordinaryong mamamayan na makakuha ng SALN ng isang opisyal ng gobyerno. Kung talagang seryoso si Vice President Binay na sumailalaim sa lifestyle check, dapat niyang ibigay sa Senate Blue Ribbon Committee ang SALN ng buo niyang pamilya,” anang abogado.
Kung tatanggi naman ang Pangalawang Pangulo, maaari rin umanong magpatawag ng press conference at ilabas ang listahan ng kanilang kayamanan sa pamamagitan ng media.
“Kung ayaw pa rin humarap sa Senado ng ating Pangawalang Pangulo, puwede namang humarap uli siya sa media at ipamahagi ang kanilang SALN sa publiko,” dagdag ng abogado.
Iginiit ni Bondal na dapat sakop ng SALN ang panahon mula nang magsimulang manungkulan si Jejomar Binay bilang Mayor ng Makati hanggang mahalal na Pangalawang Pangulo.
“Kung ilalabas lamang ang SALN ni Vice President Binay mula nang manungkulan sa puwesto bilang Mayor, magtataka ang ordinaryong mamamayan kung paano siya naging milyonaryo gayong umaasa lamang sa suweldo bilang opisyal ng gobyerno” ani Bondal.
“Nakapagtataka rin kung paano naging milyonaryo ang kanyang asawa at mga anak gayong wala naman silang malaking negosyo. Tulad ng Pangalawang Pangulo, lahat ng kabuhayan nila ay naipundar mula lamang sa suweldo sa gobyerno,” dagdag niya.
Sinabi ni Bondal na hindi dapat matapos ang lifestyle check sa pamilya Binay sa pagsasapubliko ng kanilang SALN o listahan ng ari-arian at kayamanan.
“Alam naman nating lahat na may ilang opisyal na hindi nagdedeklara nang tama sa kanilang mga SALN. Pero kung ilalabas ang SALN ng mga Binay, puwede nang tumulong ang ordinaryong mamamayan sa paghahanap ng mga ari-arian na hindi nila isinama sa kanilang SALN,” paliwanag ng abogado.
HATAW News Team