MASUSING iniimbestigahan ng Manila Police District- Homicide Section (MPD-HS) ang isang 21-anyos na call center agent matapos akusahan ng pagpapalaglag sa sanggol na ipinagbubuntis ng kanyang nobya sa Sta. Mesa, Maynila, iniulat kahapon.
Nakaratay sa UERM Hospital ang biktimang si Linda, 18 anyos, estudyante, tubong Pampanga, nagbo-board sa isang lugar sa Sta. Mesa, Maynila matapos duguin at tuluyang malaglag ang sanggol na ipinagbubuntis.
Samantala, nasa kustodiya ng Manila Police District Homicide Section (MPD-HS) ang nobyo ng biktima na kinilalang si Michael Constantin, tubong-Tarlac, pansamantalang nanunuluyan sa Teresa St., Sta. Mesa.
Ayon kay SPO3 Glenzor Vallejo, imbestigador ng MPD-HS, dakong 6:00 a.m., nang itawag ng UERM Hospital ang insidente ng abortion.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, kamakalawa, dakong 11:00 p.m., isinugod ang biktima ng kanyang boyfriend sa ospital, dahil sa walang tigil na pagbulwak ng dugo sa kanyang ari.
Nalaman na pinilit ni Constantin na painumin ng isang tableta ng hindi pa batid na pampalaglag ang dalaga, saka dalawang tableta ang inilagay sa ari hanggang magsimula nang duguin ang biktima.
Sinabi ni Vallejo, patuloy nilang iniimbestigahan si Constantin kaugnay ng nasabing alegasyon habang idineklara na ligtas na ang biktima sa kamatayan.
ni LEONARD BASILIO