MAY ‘napakahalagang panauhin’ pala si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada sa kanyang mansion sa Polk St., Greenhills, San Juan City noong nakaraang Setyembre 14, 2014.
Iniatas umano ni Erap ang imbitasyon sa VIP guest kay Attty. Wryan Martin Te, ang deputy administrator sa Manila city hall na kanyang pinagtitiwalaan.
Ang nasabing bisita na dumalaw kay Erap noong nakaraang Linggo ay kamukhang-kamukha raw ni Atty. Theodore Te, ang spokesman ng Korte Suprema.
Magkano, este, ano kaya ang laman ng mahiwagang ‘envelope’ na bitbit ng VIP guest nang makitang lumabas sa bahay ni Erap?
Hindi kaya ang “mouth piece” mismo ng SC na si Te ang tinutukoy na bumisita at lihim na nakipagkita sa sentensiyadong mandarambong, habang nasa kanyang bakasyon si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno?
Coincidence lang kaya na may ganitong pangyayari, isang araw matapos ang pagbawi ni Erap sa perhuwisyong ordinansa ng Manila truck ban habang wala si PNoy?
Ano’ng relasyon ba talaga ang nag-uugnay sa dalawang Atty. Te na deputy administrator sa Manila city hall at tagapagsalita ng SC?
Posibleng pagdudahan na hindi lang kamukha, kundi si Atty. Te ng SC na nga marahil ang nakitang bumisita sa Polk Street noong nakaraang Linggo kapag tumagal pa ang pagbaba ng desisyon sa nakabinbing disqualification case laban kay Erap.
Abangan!
JUSTICE LEONEN, ATTY. TE NG GRUPONG “MALCOM 37”
Ang nakapagtataka, si Atty. Theodore Te ay nagmula sa grupong Free Legal Assistance Group (FLAG) na naging abogado ng mga biktima ng Kuratong Baleleng rubout case laban sa Presidential Anti-Crime Commission (PACC) na pinamunuan ni Erap.
Si Te rin ay kagrupo sa FLAG ng magkapatid na abogadong Arno at Pablito Sanidad na nagsilbing private prosecutors kaya nahatulang guilty ng Sandiganbayan sa kasong plunder si Erap at sinentensiyahan na mabilanggo habambuhay noong 2007.
Si Te at SC Associate Justice Marvic Leonen ay kasama sa tinaguriang “Malcom 37,” ang grupo ng UP law professors na sinabon ng Korte Suprema noong Hunyo 2011 dahil sa inilathalang palaban na liham na nanawagan sa pagbibitiw ni Associate Justice Mariano del Castillo bunsod ng plagiarism o pangongopya.
Ngunit nang pangunahan ni Leonen ang imbestigasyon sa maniobrahan at korupsiyon sa hudikatura, ang mga hukom lang ang naparusahan at nawala sa eksena ang nagbibigay ng ‘gay-la’ sa kanilang si “influence peddler cum judiciary fixer” Arlene Lerma Angeles a.k.a. Ma’am Arlene.
Nakababahala palang magpasya sa kaso si Leonen, para siyang may amnesia, may nakatanggap ng suhol pero walang nanuhol, o may naganap na krimen, pero walang kriminal.
Talaga nga sigurong binabago ng panahon at pangangailangan ang paniniwala at paninindigan ng tao.
MANILA’S FINEST NOONG PULIS PA SI MAYOR LIM; P2-M SA HULIDAP, NASAAN?
HANGGANG ngayon ay wala tayong balita kung nasaan ang P2-M na nakulimbat sa EDSA-Mandaluyong hulidap case na kinasasangkutan ng sampung pulis ng La Loma Police Station ng Quezon City.
Noong 1971, nahimatay ang kapatid ng kolumnista na kilalang alaga ni Erap na si Herman Tiu Laurel, dahil hindi makapaniwala na nabawi at naibalik sa kanya nang buo ng mga pulis-Maynila ang naholdap sa kanilang P137,158 na ipambibili ng copra sa Quezon.
Hindi niya inaasahan na makaraang madakip ng grupo ni noo’y Lt. Col. Alfredo Lim ang lahat ng nangholdap sa kanila ay maisosoli pa hanggang sa kahuli-hulihang sentimo ang pera.
Ayon sa biktima, nang mahimasmasan, kaya raw nahimatay siya, ikalawang beses na pala siyang naholdap, at noong una ay hindi na naibalik ang perang nakuha ng mga magnanakaw.
Maging ang yumaong batikang peryodista na si Ka Doroy Valencia, sa kanyang kolum na “Over a Cup of Coffee” sa pahayagang Daily Express, ay pinapurihan si noo’y Lt. Colonel Lim at sinabing kauna-unahan ‘yon sa kasaysayan ng Manila’s Finest na naibalik nang buo ang pera sa biktima.
Ngayon, awtoridad mismo ang nagnanakaw sa mga taong nanumpa siyang pangangalagaan at ipagtatanggol laban sa mga kriminal.
Para sa reklamo, suhestiyon at komentaryo tumawag o mag text sa 09158227400 / Email: [email protected]
Percy Lapid