KINONDENA ng Palasyo ang pagkuyog ng mga militanteng estudyante kay Budget Secretary Florencio Abad Jr. makaraan magsalita sa isang forum sa University of the Philippines (UP) kamakalawa.
“Lahat po tayo ay malayang magpahayag ‘nung ating damdamin, ‘nung saloobin, ng ating opinyon. Pero may mali na po siguro kapag ‘yung pagpapahayag na ‘yon ay tumatawid na nagkakaroon ng posibilidad na magkaroon ng threats o kaya ng violence. These, you know…. Violence and threats should not have a place in our society,” sabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte kahapon.
Aniya, mahirap makipag-usap sa mga sumisigaw lamang at hindi nakikinig, at lalong hindi dapat sa lugar ng pampublikong diskurso na kinuwelyohan pa ng isang nagprotesta si Abad at binato pa siya ng mga nilamukos na mga papel sa mukha.
“Mahirap pong makipag-usap kung sumisigaw lamang at hindi nakikinig, lalo na kapag nagkakaroon na ‘nung… Hindi ko ho alam kung tama ‘yung pangunguwelyo. I understand that someone grabbed the back of the collar of Secretary Abad and that someone—some of them threw paper, I think, at his face. ‘Yung mga ganoon po siguro hindi dapat—wala dapat sa lugar ng pampublikong diskurso,” dagdag pa ni Valte.
Gayonman, nagpasalamat pa rin si Valte na maraming estudyante na lumahok sa dayalogo at nakinig kay Abad kasabay nang pagtiyak na hindi matitinag ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanilang trabaho na magpaliwanag sa publiko ng mga isyu. (ROSE NOVENARIO)