ITINANGGI ng kampo ni Cedric Lee na may nangyaring suhulan para paboran ng judge ang pansamantalang kalayaan ni Lee na humaharap sa kasong serious illegal detention.
Ito ay makaraang lumabas sa networking sites na binayaran ng kampo ni Lee si Paz Esperanza-Cortes ng Regional Trial Court Branch 271 ng P30 milyon para makapagpiyansa ang mga akusado.
Ayon sa abogado ni Lee na si Howard Calleja, ni minsan ay hindi niya nakapulong si Paz Esperanza-Cortes at kung nag-usap man sila ay sa loob lamang ng korte.
Giit ng abogado, kaya napayagang makapagpiyansa ang mga akusado ay dahil sa merito ng kaso.
DENIECE CORNEJO NAKALAYA NA
PANSAMANTALANG nakalaya ang modelong si Deniece Cornejo kahapon makaraan magbayad ng P500,000 piyansa para sa kasong serious illegal detention na inihain ng aktor/TV host na si Vhong Navarro.
Nakalabas ng kulungan si Cornejo dakong 4 p.m. kahapon at masayang sinundo ng kanyang pamilya at mga kaibigan.
Pinasalamatan ni Cornejo ang kanyang mga kaibigan sa pagsuporta sa kanya at sa pagtulong na makaipon ng perang pampiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Unang nakalaya nitong Martes ang kapwa niya mga akusado na sina Cedric Lee at Simeon Zimmer Raz, Jr., makaraan magbayad ng piyansa kaugnay sa nabanggit na kaso.
Una rito, naudlot ang paglaya ni Cornejo dahil hindi agad nakompleto ang kanyang mga papeles. (JAJA GARCIA)