MAY kapitbahay o kakilala ka bang pulis na may naglalakihang bahay, magagarang kotse, mamahaling alahas o maluho ang estilo ng pamumuhay?
Kung walang negosyo ang mga pulis na ito, maaari mo na silang isumbong kay DILG Secretary Mar Roxas para maimbestigahan kung galing sa katiwalian ang kayamanan nila.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni Roxas na kasalukuyang ginagawa ng DILG ang mekanismo kung paano magsasagawa ng “lifestyle check” sa maluluhong pulis na pinaghihinalaang sangkot sa katiwalian.
Ayon sa DILG Secretary, partikular na layunin ng lifestyle check na mabitag ang ilang mga pulis na sangkot sa mga sindikato at mga kriminal na gawain.
“Napakahalaga po ang tulong ng ating mga kababayan para magtagumpay ang kampanya natin laban sa mga scalawag na pulis.
Kung meron silang napupuna o napapansin na isang pamumuhay ng pulis na hindi naman angkop sa kanyang suweldo, puwedeng i-report ito sa akin o sa DILG,” ani Roxas.
“Kabahagi ng Memorandum Circular na binubuo natin, gagawa tayo ng hotline ng mga confidential report mula sa mamamayan para hindi mangamba ang mga nagre-report na baka balikan sila ng mga isusumbong nila,” dagdag niya.
Sinabi ni Roxas na sinang-ayunan na ni Pangulong Aquino ang mungkahi niya na isailalim sa lifestyle check ang mga nasabing pulis para maibalik ang tiwala ng mamamayan sa mga tagapagpatupad ng batas.
“Magiging kabahagi ito (lifestyle check) ng malawakang pagbabago natin sa PNP (Philippine National Police). Kasama na rin ito sa daang matuwid ni PNoy,” paliwanag ni Roxas.
Sinabi ni Roxas na nakipagpulong na siya kayCommissioner Kim Henares ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa mga opisyal ng Office of the Ombudsman bilang bahagi ng konsultasyon sa pagbubuo ng patakaran kaugnay sa pagsasagawa ng lifestyle check sa mga pulis.
“Ngayon, nagkakaroon tayo ng technical working group para iyong mga patakaraan, mga panuntunan sa BIR ay maisulat natin at maibagay natin sa sitwasyon ng pulisya,” anang Kalihim ng DILG.
Bukod sa DILG, maaari rin umanong magsagawa ang PNP ng dalawa pang lebel ng imbestigasyon para tuluyang mabitag ang maluluhong pulis.
“Sa BIR kasi, dalawang levels ang imbestigasyon, iyong isa BIR level at merong Department of Finance (DOF) level. Iyan din siguro ang gagawin natin sa PNP, merong PNP level kasi merong IAS (Internal
Affairs Service), tapos sa NAPOLCOM at sa DILG gagawa rin tayo ng isang level na susubaybay dito sa mga life style check na ito,” dagdag ni Roxas.
Ayon kay Roxas, walang pipiliin ang imbestigasyon bagamat pagtutuunan nila ng pansin ang mga Regional at Provincial Directors ng PNP partikular doon sa mga opisyal na nakalinya sa promosyon.
“Magtulungan po tayo. Tulungan ninyo po kami, seryoso po kami, wala po kaming sisinuhin, wala po kaming sasantuhin, hindi po kami magbubulag-bulagan, hindi po kami magbibingi-bingihan,” diin ni Roxas.
HATAW News Team