SINIMULAN nang imbestigahan ng counter intelligence ng Philippine National Police (PNP) ang ulat na may mahigit 20 police officials ang nagsisilbing gambling lords.
Ayon kay PNP PIO chief, Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, sinimulan na nila ang validation sa naturang ulat sa gitna ng pagsusulong na isailalim sa lifestyle check ang mga opisyal ng PNP.
Inihayag ni Sindac, ire-refer nila ito sa kanilang internal affairs service na siyang magsasagawa ng pagdinig at ito ay sa sandaling matukoy nila ang sinasabing mga gambling lord na pulis.
Batay sa report, nasa 15 hanggang 30 pulis na sangkot sa illegal na sugal na nagsisilbing operator ng video karera, STL at iba pa.
Aminado ang pamunuan ng pambansang pulisya na mistulang roller coaster ang kanilang morale nitong nakalipas na mga buwan dahil sa mga pangyayari na sangkot ang pambansang pulisya.
Pinakahuling insidente na nagsilbing dagok sa PNP ay ang pagkakadawit ng ilang pulis sa EDSA hulidap incident.