IGINIIT ng star guard ng Talk n Text na si Jason Castro na hindi na siya lalaro sa Gilas Pilipinas sa darating na Asian Games sa Incheon, Korea.
Sinabi ni Castro sa ensayo ng Gilas noong Sabado ng gabi na kusa niyang ibibigay ang kanyang puwesto sa national team kay Jimmy Alapag para magpahinga ang kanyang pilay sa paa.
“So far, okay naman, pero may konting masakit, yung tuhod and then yung Achilles ko,” wika ni Castro sa panayam ng www.spin.ph.
Hindi nga naglaro si Castro sa 81-79 panalo ng Gilas kontra Senegal sa FIBA World Cup sa Espanya kung saan hindi nakapasok ang Gilas sa knockout stages.
“Napag-usapan namin na sure ng out ako,” ani Castro.
“Iniisip ko din na unfair naman sa ibang players na lalaro ako ng 80 percent lang. Eh I want to make sure na ready to play yung papalit sa akin. Eh ako, kung hindi naman 100 percent, tapos pipilitin ko, sayang lang. Nandiyan naman ang ibang players para mag-step up.”
Aasikasuhin na lang ni Castro ang kanyang paglalaro sa Talk n Text na naghahanda para sa bagong season ng PBA sa ilalim ng bagong head coach na si Jong Uichico.
Bukod kay Castro, hindi sasama sa Incheon si Andray Blatche dahil hindi siya pinayagang maglaro ng Olympic Council of Asia.
Pinalitan siya ni Marcus Douthit.
(James Ty III)